INIUTOS ni Cambodian Prime Minister Hun Sen sa tropa ng militar ang pagdeploy ng 500 sundalo na may 200 na anti-aircraft weapons system sa hilagang-silangan na mga lalawigan.
Ang hakbang na ito ay matapos na maiulat ang illegal drone flights sa lalawigan ng Ratanakiri sa hilagang-silangan ng Cambodia malapit sa border ng Vietnam.
Sinabi ng Punong Ministro na inatasan niya si Defense Minister Tea Banh, Commander-in-Chief ng Royal Cambodian Armed Forces Vong Pisen, at Commander ng Prime Minister’s Personal Bodyguard Unit Hing Bun Heang para sa pag takedown sa naturang unidentified drones.
Ayon pa kay Hun Sen, ang mga drone ay nasa ilalim ng kontrol ng mga teroristang rebeldeng etniko sa Vietnam na sangkot sa pag-atake sa Dak Lak, ngunit itinanggi ng mga awtoridad ng Vietnam na sa kanila ang naturang drones at wala itong kinalaman sa lahat ng mga lumilipad na kagamitang ito.
Dagdag pa nito, hindi nila kukunsintihin ang sinumang lalabag sa teritoryo at soberanya ng Cambodia at upang maiwasan ang lahat ng anyo ng pagsalakay o paniniktik habang hindi pa nila alam ang pinagmulan ng mga drone na ito.
Matatandaang noong Hunyo 19, sinabi ni Hun Sen na pinatalsik niya ang lahat ng Montagnards o indigenous peoples ng Vietnam na sumilong sa Cambodia pagkatapos ng marahas na pakikipaglaban sa seguridad ng Vietnam kasunod ng mga pag-atake sa dalawang istasyon ng pulisya na ikinamatay ng hindi bababa sa siyam na katao.