SA ika-limang araw ng nagpapatuloy na ballot feeding sa London, United Kingdom, dumagsa ang mga balota sa Embahada ng Pilipinas.
Dalawang linggo na lamang ang natitira bago matapos ang overseas voting at patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga balota sa Embahada ng Pilipinas sa London.
Noong Lunes, ika-25 ng Abril, ang ika-limang araw ng ballot feeding sa London at 1,569 ang mga balotang maayos na naipasok at nabilang sa 2 voting counting machines at 3 naman ang naging invalid.
Isang nasirang balota, isang balota hindi mabasa ng ilang ulit ng VCM at isang punit na balotang ipapadala sa COMELEC.
Ayon sa poll watcher, mas dadami pa ang bilang ng mga balota sa mga susunod na araw at magiging araw-araw na ang bilangan lalo na at palapit na ang katapusan ng overseas voting.
Gayunpaman, sa kabila ng pagdagsa ng balota sa embahada, may ilan pa rin sa ating mga kababayan sa UK ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga balota.
Payo ng mga poll watcher, maging pasensyoso dahil naipadala na ng embahada ang mga balota sa mga nakatalang address ng mga botante.
Pinapayuhan naman ang mga botante na magtungo sa website ng Philippine Embassy sa London at suriin kung ang kanilang pangalan ay nasa listahan ng Return to Sender o RTS.
Kung wala ang pangalan ng botante sa listahan ng OVA registered voters, walang matatanggap na balota ang botante.
Samantala, kampante ang poll-watchers sa mga taga embahada dahil mula nang mag-umpisa ang ballot feeding, sa kanilang pagmamasid, wala silang nakitang naganap na mga iregularidad at walang dapat alalahanin ang mga botante dahil ginagawa ng mga taga-embahada ang lahat ng kanilang makakaya sa matiwasay na proseso ng ballot feeding.
Ilan din sa mga botante ay kampante na mabibilang ang kanilang mga balota dahil na rin sa kanilang nararanasan sa mga nakaraang botohan.
Sa Mayo 9, ala-una ng hapon sa UK ang huling araw ng ballot feeding at nagsusumikap ang mga staff ng embahada na maisama sa bilang ang lahat ng mga balotang darating.