US VP Harris, namangha sa trabaho ni VP Sara bilang VP at Education Secretary

US VP Harris, namangha sa trabaho ni VP Sara bilang VP at Education Secretary

NAG-courtesy call si US Vice President Kamala Harris kay Vice President Sara Duterte sa Aguado House, Maynila Lunes ng umaga.

Ayon sa Office of the Vice President, ipinahayag ni Harris ang pagkamangha nito sa trabaho at responsibilidad ni Duterte bilang pangalawang pangulo at kalihim ng Department of Education (DepEd).

Mga isyu ukol sa edukasyon seguridad at trabaho, ilan sa mga napag-usapan ni VP Harris at VP Duterte

Iba’t ibang isyu ang natalakay ng dalawa sa kanilang pagkikita.

Sa larangan ng edukasyon, ipinahayag ni Duterte na siya ay umaasa na ma-institutionalize na ang blended learning sa bansa.

Kaniya ring ibinahagi sa pulong ang naging epekto ng pandemya sa pag-aaral ng mga estudyante na nagresulta sa learning losses partikular na sa mga kabataan.

Pagdating naman sa seguridad, ipinangako ni Harris ang malaking suporta ng US sa Pilipinas laban sa mga puwersang maaaring umatake sa bansa.

Sinabi naman ni Duterte na isa sa kanyang agenda ang seguridad at anti-terrorism sabay sabi na ang security ang kaniyang “first love.”

Inilahad din ni Duterte na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maibaba sa 9 percent poverty incidence bago matapos ang kanyang termino sa 2028.

Pinag-usapan din ng dalawa ang tungkol sa mga training na maaaring maglikha ng mga trabaho.

Ibinida ni Duterte kay Harris na kasalukuyan ang gobyerno ay nagpatutupad ng K-12 program at nakikipagtulungan sa TESDA para sa skills training ng senior high school students.

Sa nasabing pagpupulong, sinamahan si Duterte ng kaniyang chief-of-staff na si Atty. Zuleika Lopez, Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babes” Romualdez, DFA Sec. Enrique Manalo, at DFA Asec. for the Office of American Affairs JV Chan Gonzaga.

Kasama naman ni Harris sina US Ambassador to the PH MaryKay Carlson, National Security Advisor to the Vice President Philip Gordon, at kaniyang chief of staff na si Lorraine Voles.

Follow SMNI NEWS in Twitter