MALAPIT nang maresolba ang kaso ng pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ayon sa Department of Justice (DOJ).
Naisampa na sa Tanjay Regional Trial Court sa Negros Oriental ang 3 counts na murder cases at frustrated murder laban sa 16 na suspek.
Maliban dito, naisampa na rin ang hiwalay na 3 counts of illegal possession of firearms, ammunitions at explosives na isinampa sa Bayawan City RTC laban sa 3 respondents.
Sa kasalukuyan nasa 4 na suspek ang nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, mayroon na itong nakitang pahayag mula sa isang suspek na nagtuturo sa mastermind sa pagpaslang kay Degamo
Sinabi rin ng kalihim na mayroong nakuhang video na makakatulong para maituro ang mastermind sa pamamaslang.
Sa video umano ay kausap umano ng mga suspek ang umano’y utak sa pagpatay sa gobernador.
Nang tanungin naman ang kalihim kung isang politiko ang mastermind, ayon kay Remulla mahirap pang magbigay ng detalye.
Una nang lumutang na dahil sa away-politika kaya nangyari ang pamamaslang.
Sinabi naman ni Remulla na magkakaroon pa ng second round of interrogation ang mga awtoridad sa mga suspek kasama ang kanilang mga abogado.