WALANG nakikitang problema si Sen. Cynthia Villar kung babawasan ang bilang ng non-working holiday sa bansa.
Ito ang sagot ng senadora matapos hingan ng reaksiyon sa mungkahi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na bawasan ang mahigit isang buwan nang bilang ng holiday ng Pilipinas.
Ayon kay Villar, na kilala rin bilang isang businesswoman, malaki ang gastos sa negosyo tuwing non-working holiday dahil kailangan magpasuweldo kahit walang produksiyon o walang pasok ang mga empleyado.
“Pag non-working holiday magpapasuweldo ka pero walang production. So lalaki talaga ang gastos both sa government and private sector,” pahayag ni Sen. Cynthia Villar.
Una nang sinabi ni Escudero na nagkasundo ang mga senador na limitahan ang mga holiday dahil sa nais nila na maging mas produktibo ang mga kompanya at mga Pilipino.
Bukod kasi sa local holidays ng bawat lungsod, munisipalidad, at probinsiya ay mayroon ding ginugunita na National Holidays at special holidays na may kinalaman sa relihiyon.
“Kasi ‘pag-nonworking holiday affected na lahat. Affected ‘yung trabaho ng gobyerno, affected din ‘yung private enterprises kaya gusto yata nila bawasan ang non-working holiday. ‘Yung working holiday okay lang ‘yun parang magpro-programa ka lang to celebrate something but the people will still work,” dagdag ni Sen. Villar.