KINUMPIRMA ni Davao City Vice Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte ang kaniyang kahandaang gampanan ang posisyon bilang acting president ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Bukod rito, hinikayat din niya ang publiko na sumali sa partido, lalo na ang mga naniniwala sa adbokasiya ng federalismo.
“So, I will take this opportunity, PDP-Laban is open to all… If you are for federalism, you are welcome to join. So, dadami tayo dito. Kung mas marami tayo, mas okay ’to,” ayon kay Vice Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte, Davao City.
Ayon sa nakababatang Duterte, na kamakailan lang ay nahalal bilang bise alkalde ng Davao City nitong Mayo 2025, wala umanong problema para sa kaniya ang pamumuno sa partido bilang pansamantalang pangulo.
“Hindi talaga ‘yan problema. Nirerespeto ko ang desisyon ni Robin Padilla. Tatanggapin ko ang posisyon ng pagiging acting president ng PDP-Laban. Wala akong nakikitang problema rito,” aniya.
Samantala, nang tanungin kung iimbitahan ba niya ang kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na sumali sa partido, sinabi ni Baste na bagama’t sila ay magkapatid, magkaiba ang kanilang paninindigan sa ilang usaping pampolitika.
“Hindi ko alam. Magkaiba talaga kami… Kapatid ko siya pero alam n’yo namang magkaiba kami bilang magkapatid at magkaiba rin kami sa politika. Minsan nagkakatunggali pa kami. Ganoon din kami ng tatay ko at iba pang miyembro ng pamilya naming nasa politika. May sarili kaming direksyon at plataporma sa politika. Kaya hindi ko alam. Ayokong masuntok ako,” paliwanag ni VM Baste.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat na pansamantalang bumitiw si Sen. Robin Padilla bilang presidente ng PDP-Laban upang pagtuunan ng pansin ang kaniyang tungkulin bilang mambabatas.