SORPRESANG dumating si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa ika-pitong araw ng Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally sa Liwasang Bonifacio, Maynila nitong Martes ng hapon.
Aniya hindi niya pinalagpas ang pagkakataon para mapasalamatan ang mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), mga tagasuporta ni Pastor Apollo C. Quiboloy, at ang mga personalidad ng Sonshine Media Network International (SMNI) para sa kanilang suporta sa Office of the Vice President at Department of Education.
Pinasalamatan niya rin ang taumbayan para sa kanilang suporta sa pamilya Duterte.
“Nandito ako ngayon sa Laban Kasama ang Bayan para magpasalamat sa tao sa kanilang suporta sa akin at ang kanilang suporta sa aming pamilya, ang pamilya Duterte. Napakalaki ng utang na loob namin sa taumbayan. Hindi lang sa mga tao dito kundi sa lahat ng mga kababayan natin sa buong bansa dahil binigyan nila kami ng pagkakaton ng makapagserbisyo sa ating bayan,” pahayag ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.
Hearing tungkol kay Pastor ACQ, isang trial by publicity—VP Duterte
Muli ring ipinahayag ni Vice President Duterte ang kaniyang pakikiisa sa laban ng SMNI na aniya ay isang malinaw na paglabag sa freedom of media.
- Ipinahayag din ng pangalawang pangulo ang kaniyang suporta kay Pastor Quiboloy sa gitna ng mga isyung kinakaharap ng butihing Pastor.
“Nakikita natin na this is a trial by publicity. Mga hearing na walang pinupuntahan, mga witnesses kuno na nagkukubli kung sino ‘yung tunay na identity nila. At one-sided siya. Lahat atake, lahat paninira kay Pastor Apollo Quiboloy,” diin ni VP Duterte.
Mga hinaing ng taumbayan, karapat-dapat na iparating kay Pangulong Marcos Jr.—VP Sara
Bukod sa hustisyang ipinaglalaban para kay Pastor Quiboloy at sa SMNI, ipinagsisigawan din ng mga dumalo sa prayer rally na mahinto na ang katiwalian, terorismo, kriminalidad, korapsiyon, at ilegal na droga sa bayan.
Kanila ring idinadalangin na ang mga namumuno’y maging daan ng kabutihan at katarungan at matanggal sa puso ng bawat Pilipino ang kaharian ng kasamaan at pang-aabuso lalong-lalo na sa mga taga-gobyerno.
Ang mga hinaing na ito na ayon kay VP Duterte ay dapat maiparating kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Iyan po ay karapat-dapat na iakyat nila sa ating pangulo. Sa lahat naman ng mga complaints ay pwedeng mapag-usapan na mayroong diplomasya at masaya ako dahil ang mga supporters ni Pastor Apollo Quiboloy, members ng Kingdom of Jesus Christ, personahe ng SMNI, mayroong mga ganito na mga rally at pagtitipon para mapalabas nila ang kanilang mga nararamdaman. Ito ay pagpapakita natin ng freedom of speech and religion,” dagdag ni VP Duterte.
Nanawagan naman ang pangalawang pangulo sa taumbayan na patuloy na ipagdasal ang bansa.
Dapat ding magdasal aniya para sa katotohanan at hustisya para sa lahat na magiging pantay-pantay ang pagtrato ng gobyerno sa lahat ng mga tao.
Sa panawagan naman ng mga nasa prayer rally na siya ay maging presidente ng Pilipinas, ito ang kaniyang naging tugon.
“Alam mo kasi sinasabi ko lagi no ang buhay politika, ang buhay ng tao, hindi natin alam kung ano ‘yung mangyayari bukas. Kaya ang lagi na lang nating pwedeng gawin ay magdasal sa Diyos, magdasal para sa bayan natin, magdasal para sa katotohanan, magdasal para sa hustisya, and syempre magdasal para mabigyan ng wisdom na magawa ‘yung trabaho natin,” ayon pa kay VP Sara.
Taumbayan, makakaasa na tutuparin ni VP Duterte ang kaniyang tungkulin
Sa ngayon ayon kay VP Duterte, tinututukan niya ang kaniyang trabaho sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd).
“Makakaasa sila na tutuparin ko ang mandato ng aking opisina, ng Office of the Vice President, ng Department of Education at pagtatrabuhan ko ‘yun. Nandoon ‘yun sa aking oath. Nakalagay doon na I consecrate myself to service of the nation. Ibig sabihin noon magtatrabaho ako para makakita tayo ng mas magandang kinabukasan para sa ating bansa,” aniya.
Una na ring sinabi ni VP Duterte na sa kabila ng mga black propaganda laban sa kaniya ay patuloy aniya siyang magtatrabaho at tuparin ang kaniyang tungkulin.
Ayon pa sa pangalawang pangulo na hindi na niya ipinagtataka ang mga paninira laban sa kaniya.
“Lumaki ako sa politika kaya alam ko na ang black propaganda ay kaparte ng journey ng isang politician. So sabi ko nga mayroon silang parang script kumbaga na kinokopya. Parang gusto nilang palabasin na si Inday Sara ay isang korap, abusado, taksil, murderer, warlord. Parang mayroon silang sinusundan na script na paninira nila. Pero sabi ko nga kaparte iyan sa buhay ng isang politician. Nakita ko iyan sa aking ama. Nakita ko iyan sa buong bansa sa mga politiko natin,” ayon pa kay VP Duterte.