OPISYAL nang isinalin ang tungkulin ng Department of Education (DepEd) kay Vice President Sara Duterte, ang bagong kalihim ng kagawaran, mula kay dating Secretary Leonor Briones.
Pormal na iniabot ni Briones kay Duterte ang watawat at opisyal na selyo ng kagawaran, at ang Basic Education Development Plan 2030 sa isang turn-over ceremony ngayong araw.
Ayon kay Briones malaking responsibilidad ang nakaatang kay Vice President Duterte dahil ang DepEd ang may pinakamalaking budget at may pinakamaraming tauhan sa lahat ng kagawaran sa bansa.
Ibinida rin ni Briones sa kanyang farewell speech ang mga natagumpayan ng kagawaran sa nakalipas na 6 na taon kabilang na rito ang Basic Educational Development Plan 2030; karagdagang benepisyo para sa mga guro.
Kabilang din ang mahigit 4 na milyong gumradweyt sa Alternative Learning System (ALS); at ang pamamahagi ng tablets, laptops at iba pang mga pangangailangan ng mga eskwelahan sa pamamagitan ng Last Mile Schools Program.
Pinuri naman ni Vice President Duterte sa kaniyang talumpati si Briones dahil sa mga nagawa ng dating kalihim upang mapabuti ang kalidad ng basic education sa bansa.
“Headed by Secretary Leonor Magtolis Briones, DepEd adapted and implemented bold but necessary measures to provide Filipino children accessible and quality education — ensuring that learning is unhampered and our learners are not left out — while also ensuring the economic welfare of our teachers and the non-teaching personnel working under the organization,” pahayag ni VP Sara.
Kinilala rin ni Duterte ang mga ginawang hakbang ni Briones para sa basic education kabilang na rito ang full implementation ng Senior High School program at ang paninindigan ng dating kalihim na ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Sa huli, tiniyak ng bagong Education Secretary na magpapatuloy ang kagawaran na maghahanap ng mga iba’t ibang paraan upang mapabuti ang edukasyon sa bansa.
“I will also take on the task with the reminder that we shall continue to find ways to improve basic education in terms of access, equity, quality, resiliency, and governance — to produce learners who can achieve their full potential as individuals who are responsible, skilled, knowledgeable, productive, and determined to achieve their dreams for themselves and for our country,” ani Duterte.
Inanunsyo naman ni DepEd Secretary at VP Sara Duterte na tinanggap na mananatili sa DepEd si Professor Leonor Briones matapos nitong tanggapin ang alok na maging consultant ng kagawaran.