HINIMOK ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang mga lokal na pamahalaan na palakasin ang digital education sa mga pampublikong paaralan.
Ipinahayag ito ni VP Sara matapos itong maging panauhing pandangal sa paglulunsad ng libreng fiber optic internet connection sa lungsod ng San Juan.
Ang San Juan ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa bansa na naglunsad ng libreng Wi-Fi sa lahat ng pampublikong paaralan gayundin ang paggamit ng Smart TV na bagong pamamaraan sa pagtuturo.
Pinuri ng bise presidente ang ginawang inisyatibo ng San Juan government at hinimok ang mga local government unit na magkaroon din ng programa gaya nito upang mapataas pa ang antas ng edukasyon.
“I laud you for the successful implementation of this project which seeks to advance the city’s public education system through greater accessibility to information technology. Sabi ko nga ito ‘yung pangarap pa lang natin as a nation pero ginagawa na ng San Juan. Dahil ngayong umaga na ito na-highlight natin para makita ng ibang local government units na pwede nilang simulan na at pwede nilang gawin para sa kanilang mga mag-aaral,” pahayag ni VP Sara.
Maliban diyan, libre ding ibinigay ng Department of Information Technology ang laptops at tablets na magagamit ng mga bata sa pag-aaral.
Maging ang mga guro din sa 13 public schools ay may laptops mula naman sa San Juan government.
Ipinunto ni Vice President Duterte na isa ang digital education sa pangarap ng Kagawaran ng Edukasyon na maipatupad sa buong bansa.
Ngunit aminado ito na may iilang pampublikong paaralan sa bansa na hindi kakayanin na magkaroon ng libreng internet connection.
Pero, may ginagawang hakbang ang Department of Education (DepEd) upang tugunan ito.
“Pero sa ngayon ang direksyon po natin ay mixed no. Meron mga schools na hindi talaga kakayanin ang internet connection dahil wala ‘yung capacity doon sa kanilang lugar. Wala ‘yung signal, wala ‘yung infrastructure kaya ang direction natin ay hati. Meron tayong online at meron tayong pino-pursue na offline din para nasi-serve natin lahat ng sitwasyon sa ating mga paaralan,” ayon kay VP Duterte.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni San Juan Mayor Francis Zamora na magiging sustainable ang ginawa nilang programa lalo’t ang pondo rito ay kinuha mula sa Special Education Fund.
“All of these are proof that we are really in the digital age and as our lives progress, we have to go along with the flow, meaning hindi tayo pwedeng mapag-iwanan ng digital transformation and that is why being a smart city is one of our trusts because we understand here in San Juan that indeed we cannot be left behind,” ayon kay Zamora.
Pagtitiyak pa ni Zamora, dumaan sa training ang mga guro na gumagamit ng Smart TV sa pagtuturo.
Ani Zamora, hindi lamang dito magtatapos ang kanilang programa na may kaugnayan sa edukasyon.
Samantala, nasa 7,000 kabahayan din sa San Juan City ang nilagyan ng libreng Wi-Fi.
Paraan ito ng lokal na pamahalaan upang kahit nasa bahay ang mga estudyante ay libre silang nakakagamit ng Wi-Fi para sa kanilang pag-aaral.