NAKIISA si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga kapulisan sa kanilang 45th Philippine National Police Academy sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite noong nakaraang buwan.
223 kadete ng Layag-Diwa Class of 2024 ang nagtapos sa araw na iyon at nagdagdag sa puwersa bilang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ipinahayag din ng bise presidente ang kahalagahan ng kapayapaan sa pag-unlad ng buong bansa.
“Lagi po nating binibigyang diin ang kahalagahan ng kapayapaan sa pag-unlad ng ating mga barangay, bayan, lalawigan, at bansa,” ayon kay VP Duterte.
Aniya, malaki ang ginagampanang tungkulin ng mga kapulisan na siyang tagapagpatupad ng batas at tagapagtaguyod nito.
“Bilang mga mamamayan na makikinabang sa kapayapaan, dapat lamang na ibigay din natin sa kanila ang ating buong suporta,” aniya.