IGINIIT ng Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) na walang magiging pagtaas sa presyo ng tubig ngayong panahon ng El Niño.
Ito ang paglilinaw ng MWSS dahil sa nakaambang El Niño na tatama sa bansa sa ikalawang kwarter ng taon hanggang sa mga unang bahagi ng 2024.
Ayon kay MWSS Administrator Leonor Cleofas, isang beses lamang sa loob ng 5 taon nagkakaroon ng pagtaas sa singil ng tubig sa Metro Manila kaya malabong magkaroon ng rate hike ngayong taon.
Saad ni Cleofas, 2022 nang magkaroon ng rate increase at posibleng sa 2028 pa uli pag-uusapan ang pagtaas sa presyo ng tubig.
Nanindigan naman ang MWSS na walang karapatan ang Manila Water at Maynilad, ang 2 water concessionaire sa Metro Manila na magtaas sa presyo ng tubig nang walang pahintulot mula sa kanila.
“Wala pong karapatan ang dalawang concessionaries na magtaas ng taripa nang walang approval ng ating board of trustees. At ang susunod na review ng ating water tariff increase ay sa 2028,” ani Cleofas.