4 MILF gunrunner, arestado sa buy-bust ops sa Maguindanao

4 MILF gunrunner, arestado sa buy-bust ops sa Maguindanao

NAGKASA ng Operation “Paglalansag Omega” ang Criminal Investigation & Detection Group (CIDG) na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Brgy. Población, Talayan, Maguindanao del Sur kamakalawa.

Batay sa rekord ng CIDG, kinilala ang mga naaresto na sina alyas Basir, alyas Ismael, alyas Ari, alyas Ibrahim, at isang alyas Zaldy.

Ayon kay CIDG Chief, Police Major General Romeo Caramat, nagresulta ang ikinasang buy-bust operation sa engkuwentro sa pagitan ng kanilang mga tauhan at mga rebelde.

Sugatan sina Ibrahim at Zaldy na agad namang dinala sa Datu Odin Sinsuat District Hospital subalit si alias Zaldy ay idineklarang dead on arrival.

Sa paunang imbestigasyon, ang napatay na si alyas Zaldy ay battalion commander ng Inner Armed Based Command, Bangsamoro Islamic Armed Forces ng MILF.

Bukod sa pagkakaaresto sa mga suspek, nakuha sa mga ito ang matataas na kalibre ng baril.

Ayon sa CIDG Bangsamoro, tuloy ang kanilang operasyon partikular na sa iba pang mga kasamahan nitong sangkot sa posibleng malawakang bentahan ng mga ilegal na baril at bala sa iba ibang panig ng bansa.

Una nang pinangangambahan ng pulisya ang mga ganitong grupo dahil maaaring magamit sa mga ilegal na aktibidad ang mga nabibiling baril at bala lalo pa’t kinokonsidera ang mga ito na loose firearms dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.

Malalaking personalidad na katransaksiyon ng mga nahuling MILF gunrunners, sinisilip rin ng mga awtoridad

“I don’t want to speculate pero may mga cellphones na nakuha sa kanila. So, I think na check na ng RACU ‘yun, so marami tayong makukuha doon na information,” ayon kay ayon kay LtCol. Ariel Huesca, Chief, BARMM-CIDG.

“As to the usage ‘yung firearms, I have no definite answer pero since unlicensed ‘yung firearms it will lead to conclusion na itong baril gagamitin sa hindi magandang paraan kasi ‘yun nga hindi mo matrace ‘yung firearms, hindi siya dumaan sa PNP, hindi na-ballistics. So, there is a possibility na gagamitin sa illegal activities,” ani Huesca.

Babala ng PNP sa mga indibidwal at mga natitirang rebeldeng grupo na itigil na ang mga kahalintulad na aktibidad dahil tiyak na walang sisinuhin anila ang batas sa mga lumalabag dito.

“Para sa mga individual na nag-eengage sa gunrunning activities and sa mga individuals who are planning to engage with this kind of illegal activity, dinidiscourage ko kayo kasi malaki ‘yung fines and penalties under existing laws. Mahaba ‘yung length of imprisonment and there is a possibility na it will cause your life kapag nag-engage ka sa mga ganitong activities. Dapat mamuhay tayo nang patas para hindi tayo maabala,” dagdag pa nito.

Gayundin ang pakiusap ng buong ahensiya na hindi sila titigil sa pagtugis sa mga kriminal sa bansa para itaguyod ang maayos at mapayapang pamumuhay sa mga komunidad sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble