Higit 200 pamilyang benepisyaryo mula Nabunturan, Davao de Oro grumadweyt sa 4Ps

Higit 200 pamilyang benepisyaryo mula Nabunturan, Davao de Oro grumadweyt sa 4Ps

NAGPATULOY ang pagdaraos ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI ng mga graduation at exit ceremonies nito na tinawag na “Breakthrough 2023” bilang simbolo ng tagumpay at selebrasyon ng programa gayundin ng mga benepisyaryo nito.

Isa na nga sa mga nagtampok ng aktibidad ay ang Nabunturan Municipality sa probinsiya ng Davao de Oro, kung saan nasa 221 pamilyang 4Ps ang nagtapos at umexit sa programa noong Abril 23, 2024 sa Assumption College of Nabunturan Gymnasium.

Pinagunahan ito ng buong puwersa ng Municipal Operations Office ng Nabunturan, Provincial Operations Team ng Davao de Oro sa pamumuno ni Provincial Link Ma. Salome Huelar at suporta naman ng Regional Program Management Team.

Maituturing naghahalo-halo ang estado ng mga nagsipagtapos base sa naging katayuan nito sa programa.

Karamihan sa kanila ay naitalang Level 3 of well-being na ang pamumuhay, samantalang ang iba ay wala ng anak na pinapag-aral sa elementarya at sekondarya.

Mayroon din namang mga kusang umalis o voluntary exit upang mabigyang pagkakataon ang ibang mas naghihirap na pamilya na makasali sa 4Ps.

Nagbahagi ng kani-kanilang kuwento ng tagumpay at inspirasyon ang dalawa sa mga nagsipagtapos na sina Lorelie L. Bastatas mula Brgy. Santa Maria at Annie Rose Urboda ng Brgy. New Dauis.

Magkaiba man ang napagtagumpayan ng dalawang pamilya ngunit iisa lamang ang nakapagpatawid sa kanila mula sa sobrang kahirapan, ang naging malaking tulong ng 4Ps at ng mga partner-stakeholders nito, partikular na sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Buong galak din na nakilahok sa aktibidad ang mga partner-stakeholders ng programa sa lugar.

Nangunguna na nga rito ang mismong Municipal Mayor ng Nabunturan na si Hon. Myrocel C. Balili, ang Municipal Social Welfare and Development Officer na si Ms. Alma Delia C. Besana, RSW, at ang representante ni Governor Dorothy M. Gonzaga na si Ms. Bembem Lingo.

Dumalo rin ang mga aktibo at masigasig na partners na sina Mr. Margarito Libres ng Municipal Agriculturist Office (MAO), Hon. Felipe B. Masambo ng Municipal Indigenous Peoples Mandatory Representative (MIPMR), Engr. Evan Noel C. Pascua ng Department of Interior and Local Government (DILG), Mr. Randello Braga ng Department of Labor and Employment (DOLE), Dr. Noel B. Canales, District Supervisor ng Department of Education (DepEd), at Ms. Angela Prudence Abalos ng Assumption College of Nabunturan.

Nagbahagi naman ng taimtimang mensahe si Gov. Dorothy M. Gonzaga na hinatid ni Ms. Bembem Lingo kung saan may inihandang goods para sa mga 4Ps graduates na ipamamahagi.

Dagdag pa nito na patuloy na susuportahan ng Provincial Government ang lahat ng programa ng DSWD FO XI at lalong lalo na ang suporta para sa mga nagsipagtapos sa iba naman na mga programa at serbisyo.

Naghatid naman ng dagdag na magandang balita ang Municipal Mayor na si Hon. Balili, kung saan magbibigay ang LGU Nabunturan ng dagdag na regalo para sa mga graduates.

Aniya, makikipagtulungan siya sa provincial government para sa patuloy na pagbibigay tulong ng pamahalaan para sa mga mahihirap at kasali na rito ang mismong mga 4Ps graduates.

At ang naging pangako naman ng mayor na magbibigay sila ng mga trainings o pagsasanay para sa mga 4Ps graduates at livelihood opportunities upang kahit na sila ay ‘di na kasali sa Pantawid Pamilya, mananatiling self-sufficient ang kanilang pangkabuhayan o ikinabubuhay.

Sa pagtanggap nga ng LGU Nabunturan sa mga graduates, isinagawa naman ang symbolic turnover ng case folders ng mga benepisyaryo bilang simbolo at pangako na pagkatapos ng 4Ps, magpapatuloy ang tulong ng gobyerno sa pamamagitan naman ng iba pang programa, proyekto at serbisyo mula sa ibang NGAs, sa mismong LGUs at suporta ng mga CSOs o NGOs.

Nangako rin naman ang mga 4Ps beneficiary graduates at exited households na patuloy nilang lilinangin ang lahat ng kanilang natutunan at mga nabenepisyo mula sa programa upang tuluyan nilang mabigyan ng maginhawang buhay ang kani-kanilang pamilya.

Ang naturang “Breakthrough” ay magpapatuloy pa rin sa iba naman na munisipalidad o bayan upang pormal na mapagtapos ang mga benepisyaryong karapat-dapat na umexit o grumadweyt mula rito.

Susunod naman dito ang pagpapasok ng bagong mga pamilyang Pilipino na higit na nangangailangan sa kasalukuyan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter