1 miyembro ng CTG sa Sorsogon, kusang sumuko sa pamahalaan

1 miyembro ng CTG sa Sorsogon, kusang sumuko sa pamahalaan

HUNYO 1, araw ng Linggo, sumuko ang isang miyembro ng komunistang teroristang grupong NPA sa mga personahe ng 92 Special Action Company ng PNP-SAF at iba pang PNP units matapos ang ginawang counter-insurgency operation ng pamahalaan sa Brgy. San Fernando, Prieto Diaz, Sorsogon.

Ang sumukong CTG member ay kinilalang si Aljon Barcelon alyas Juaquin.

Ayon kay PMaj. Kristel Joy Asim, Public Information Officer ng Special Action Force, kusang sumuko si Juaquin dahil ayaw na umano nitong kalabanin pa ang gobyerno.

“Itong si alyas Juaquin nagsasawa daw siya makipagyera at makipaglaban sa forces po ng government kaya kusa na siyang tumiwalag sa grupong kinabibilangan niya,” pahayag ni PMaj. Kristel Joy Asim, Public Information Officer, Special Action Force.

Base sa impormasyon ng mga awtoridad, si Aljon Barcelon ay isang non-PSR listed CTG member sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya 1, Sub-Regional Committee 3, Bicol Regional Party Committee.

Taong 2017 nang makapasok sa kilusan si Juaquin at dito na ito natutong gumawa ng mga pampasabog.

“Brief background lang po dun kay alyas Juaquin, siya po ay na-recruit noong 2017, bale ‘yung naka-recruit sa kaniya ay malaki po ang tiwala niya doon at dun tinuruan po siyang gumawa ng mga IEDs o mga bomba,” saad ni PMaj. Kristel Joy Asim, Public Information Officer, Special Action Force.

Kasabay ng pagsuko ni alyas Juaquin ay ibinigay rin nito sa mga awtoridad ang limang improvised explosive devices (IEDs).

“So napakaimportante na naisuko itong mga kagamitan at kasangkapan sa paggawa ng mga IEDs para hindi po magamit pa sa government forces natin,” dagdag ni Asim.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Prieto Diaz MPS ang mga isinukong pampasabog para sa dokumentasyon.

Dahil sa pagsuko ni alyas Juaquin, kwalipikado itong magpa-enroll sa programa ng gobyerno na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP)

“Napakaepektibo po ng programa ng gobyerno ‘yung tinatawag po natin E-CLIP or Enhanced Comprehensive Local Integration Program kung saan ‘yung mga surrenderees po natin ay binibigyan po natin ng suporta-pinansiyal para makapagbagong buhay po sila,” aniya.

 

 

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble