13 tagasunod ng dating MILF commander, arestado ng CIDG sa Maguindanao del Norte

13 tagasunod ng dating MILF commander, arestado ng CIDG sa Maguindanao del Norte

KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa 13 indibiduwal na umano’y sangkot sa mga insidente ng pagdukot sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sa panayam kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, kinilala ang mga ito na mga tagasunod ng MILF leader na si Musa Ali Alamada alyas Commander Paradise nang sisilbihan sana ito ng warrant of arrest ng CIDG.

Nahaharap sa kasong kidnapping, serious illegal detention at destructive arson si Alamada kaya’t ipinag-utos ng korte ang pagpapaaresto rito.

Nagawang makatakas ng target sa itinuturong hideout nito sa Brgy. Macaguiling nang makatunog na sasalakayin ng pulisya ang kanilang lugar.

Kasunod nito, bukod sa 13 mga miyembro, nakuha rin sa pinangyarihan ng operasyon ang matataas na kalibre ng armas, mga bala gayundin ng iba’t ibang pampasabog.

Batay naman sa impormasyon mula sa Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) may patong sa ulo ni Alamada na nagkakahalaga ng P1.2-M.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter