14 bilateral agreements, nilagdaan ng Pilipinas at China sa state visit ni PBBM

14 bilateral agreements, nilagdaan ng Pilipinas at China sa state visit ni PBBM

NASA 14 bilateral deals ang pinirmahan ng Pilipinas at China sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang bansa.

Kabilang dito ang kasunduan hinggil sa agrikultura, imprastraktura, turismo, development cooperation, maritime security, at iba pa.

Pumirma ang Pilipinas at China ng Joint Action Plan para sa 2023-2025 sa Agricultural at Fisheries Cooperation sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at China’s Ministry of Agriculture and Rural Affairs.

Napagkasunduan din ng dalawang bansa ang protocol ng phytosanitary requirements para sa pag-export ng sariwang durian mula Pilipinas patungo sa China.

Naselyuhan din ng gobyerno ng Pilipinas at China ang pagpapatupad ng memorandum of understanding (MOU) sa turismo maging sa Electronic Commerce Cooperation.

Ang dalawang bansa ay lumagda rin ng isang MOU sa Digital and Information and Communications Technology Cooperation.

Gayundin ang isang MOU sa pagitan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at ng International Development Cooperation Agency ng China sa Development Cooperation Plan 2023-2025.

Nagkaroon din ng mutual recognition agreement sa pagitan ng General Administration of Customs ng China at ng Bureau of Customs (BOC) ng Pilipinas.

Mayroon ding arrangement para sa pagtatatag ng mekanismo ng komunikasyon sa mga isyung maritime sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at ng Ministry of Foreign Affairs ng China.

Nilagdaan din ang MOU sa kooperasyon sa Belt and Road Initiative (BRI).

Ang BRI na inilunsad noong 2013 ni Chinese President Xi Jinping ay isang global infrastructure development strategy upang mamuhunan sa halos 150 mga bansa at international organizations.

Ito ay nagpapahusay ng koneksyon at nagpapadali sa mas maayos na daloy ng kalakalan sa pagitan ng Asya, Europa, at Africa.

Kasama rin sa naselyuhan ang pag-handover ng certificate ng dalawang China-Aid Bridge Projects sa Maynila, ang Binondo-Intramuros Bridge at ang Estrella-Pantaleon Bridge.

Napagkasunduan din ng parehong mga bansa ang isang framework agreement para sa Renminbi-portion ng loan financing para sa tatlong priority projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kaugnay rito, inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang pinirmahang kasunduan ng Pilipinas at China ay magpapalakas ng ‘Build Better More’ infrastructure agenda ng administrasyong Marcos. China sa state visit

“We expect our ‘Build Better More’ to be accelerated. And also other areas like agriculture will be a big part of this mission,” saad ni Sec. Benjamin Diokno, DOF.

Nakikita rin ni Diokno na matagumpay ang tatlong araw na state visit ng Pangulo, at tiyak ang inaasahang benepisyo nito sa mamamayang Pilipino.

“This very short trip will promise to be a very successful one,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter