14-M COVID-19 vaccine, inaasahang darating sa bansa sa Q2 ng taon —Sec. Galvez

INAASAHANG matatanggap ng Pilipinas ang aabot sa 14-M dosis ng COVID-19 vaccine mula sa apat na pharmaceutical companies sa loob ng second quarter ngayong taon.

Base sa pahayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte kahapon, sinabi nito na inaasahang makukumpleto ang delivery ng 1.5 milyong dosis ng Sinovac’s CoronaVac ngayong Abril.

Nasa 500,000 dosis aniya ang posibleng dumating sa Abril 22 habang ang panibagong 500,000 dosis ay darating sa Abril 29.

Nasa 20,000 dosis naman ng Russian-made Sputnik V ang inaasahang darating sa bansa ngayong linggo at ang second trance ng 480,000 dosis ay ide-deliver bago matapos ang Abril.

Inaasahan din ng gobyerno ang shipment ng 195,000 Pfizer vaccine doses sa katapusan ng Abril o Mayo.

Maaari ring dumating ang AstraZeneca vaccine na mula sa COVAX Facility ngayong buwan.

Para sa buwan ng Mayo, sinabi ni Galvez na inaasahang nasa 2 milyong dosis ng Sinovac vaccines ang ide-deliver sa bansa kasama ang 1 hanggang 2 milyong shots mula Gamaleya at 194,000 shots mula Moderna.

Nakikipagtulungan din aniya ang gobyerno sa World Health Organization (WHO), Gavi at UNICEF para sa posibleng delivery ng Pfizer at AstraZeneca vaccines sa ilalim ng COVAX Facility.

Dagdag pa ni Galvez, inaasahan din ng gobyerno na makakatanggap ng 7 hanggang 8 milyong dosis ng bakuna sa Hunyo kabilang dito ang 4.5 milyong dosis ng CoronaVac, 2 milyong dosis ng Sputnik V, at 1.3 milyong dosis ng AstraZeneca.

(BASAHIN: Duterte, dinepensahan ang kinuwestyong utang na pondo para sa COVID vaccine)

SMNI NEWS