15% na taripa sa rice importation ng NEDA, walang konsultasyon—Sen. Imee, SINAG

15% na taripa sa rice importation ng NEDA, walang konsultasyon—Sen. Imee, SINAG

IKINABABAHALA ni Sen. Imee Marcos na biglang naging batas ang rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na ibaba sa 15 percent ang taripa sa importasyon ng bigas.

Naghayag ng mariing pagtutol si Sen. Imee at grupo ng mga magsasaka na SINAG sa rekomendasyon ng NEDA na ibaba sa 15% ang taripa sa importasyon ng bigas.

Ayon sa dalawa, wala namang nangyaring konsultasyon sa sektor ng agrikultura, partikular na sa mga lokal na magsasaka.

Ito anila ang naging sentro ng usapan sa isang round table discussion kasama ang mga magsasaka at iba pang stakeholders ng sektor ng agrikultura na ginanap sa Philippine Rice Research Institute sa Nueva Ecija.

“Ang proseso talaga ‘pag magbabagsak ng taripa ay konsultasyon muna sa lahat ng sektor kaya nagulat ako kasi ni-isang sektor ang nakakausap biglang naglabas nang ganoong pahiwatig. Sabihin man nila na rekomendasyon ‘to ay nakikita naman natin na ‘yung rekomendasyon ay biglaang naco-convert at naisasabatas kaya kinakabahan kaming lahat,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.

Ayon kay Rosendo So, chairman ng grupo ng mga magsasaka na SINAG, nabigla ang grupo ng mga magsasaka sa desisyon ng NEDA na ibaba sa 15% na taripa. Sa ilalim kasi ng normal na proseso ay dapat na magsagawa muna ng konsultasyon at pagkatapos ay i-presenta ito sa Tariff Commission bago i-rekomenda ng NEDA sa Pangulo.

Ikinababahala rin ni So na sa pagbaba ng taripa ay posibleng itaas naman ng mga bansang pinag-aangkatan natin ang presyo ng kanilang bigas dahil sa tumataas na demand.

“Remember binaba nila ang presyo ng bigas 3 years ago sa mga non-ASEAN from 50-35 percent. Pero ang ginawa ng India at Pakistan ay itinaas naman ang presyo. So, ‘pag ganoon ang mangyari, kung itataas ng Vietnam at Thailand ang presyo ay parang sinubsidize natin ‘yung farmers na galing sa Vietnam at Thailand. Dahil binaba natin ang taripa dito ay itataas naman nila ang presyo,” ayon kay Rosendo So, Chairman, SINAG.

Bukod dito ay ikinagulat ng senadora kung bakit hanggang 2028 ang pagbagsak ng taripa.

Ipinunto niya na ang biglaang pagbabagsak sa taripa ay ginagawa lamang bilang isang emergency power para sa isang emergency na sitwasyon.

“Ang pagkaalam ko lagi ‘yan for a period of six months to one year because it is a mere emergency measure. Anong klaseng emergency measure ito hanggang 2028. Parang nilibing mo na ang mga local farmer ng apat at kalahating taon. Wala nang pag-asa ‘yan. Sinukuan na natin sila. Hindi na siya emergency. Maglilimang taon. Tama ba ‘yun?” diin ni Sen. Imee Marcos.

Sinabi rin ng senadora na hindi pa napapanahong imbestigahan ito pero kaniya namang hinamon ang NEDA na maglabas ng cost analysis, kung talaga nga bang bababa ang presyo ng bigas sa bansa kung babawasan ang taripa.

“Hindi pa siguro panahon para mag-imbestiga… unang-una sinabi nila na ‘yun na ‘yun, tapos sinabi niya na rekomendasyon lamang, siguro naman mamayang hapon ang kanilang sasabihin ay pakikinggan kaming lahat,” ayon pa sa senadora.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter