PATULOY ang pagsuko ng mga terorista sa tropa ng gobyerno sa Central Mindanao.
Ayon kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) commander Major General Steve Crespillo, sumuko ang 17 terorista kabilang ang 6 na nalalabing miyembro ng sub-group Nanding ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Karialan Faction.
Ibinaba nila sa 33rd Infantry Battalion sa Radjah Buayan, Maguindanao del Sur ang isang 7.62mm M14 rifle, dalawang 40mm M79 Grenade Launcher, dalawang Rocket Propelled Grenade Launcher, isang 9mm Uzi at samu’t saring bala.
Habang nagbalik-loob ang 11 miyembro ng Daulah Islamiyah-Maguid Group sa 1st Mechanized Brigade sa Kalandagan, Tacurong City at ibinaba ang matataas na kalibre ng armas.
Hindi na isinapubliko ang mga pagkakakilanlan ng mga sumukong personalidad para sa kanilang seguridad.
Hinimok ni Major General Crespillo ang nalalabing terorista na sundan ang ginawa ng mga dati nilang kasamahan na pinili ang kapayapaan.