MULA sa 201 barangay sa Pasay City ay mayroon ng 171 dito ang idineklarang wala ng naitalang kaso o COVID-19 free.
Batay sa pinakahuling datos ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nasa 12.06 porsyento na lang ang positivity rate sa lungsod.
Sa kasalukuyan, bumaba na sa 57 ang bilang ng aktibong kaso ng impeksyon mula sa 14,526 na kabuuang bilang ng kumpirmadong impeksyon.
Mula sa bilang, 14,079 dito ang gumaling na at nasa 309 naman ang bilang ng nasawi.
Sa kabila nito, pinayuhan pa rin ng lokal na pamahalaan ng mga barangay sa Pasay City ang mga residente na kahit na inalis na ang quarantine status ng lungsod ay hindi pa rin dapat maging kumpiyansa.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, nananatiling banta sa kalusugan ng publiko ang mutation ng COVID-19 lalo na ang Delta Variant.