LULAN ng Etihad Airways Flight EY424 kung saan lulan ang mga overseas Filipino worker (OFW) mula Israel na lumapag sa NAIA Terminal 3, pasado alas tres ng hapon.
Kabilang si Reinz na isang hotel worker at si Jun na isa rin caregiver na pitong taon nang nagtatrabaho sa Israel ang nagdesisyon na umuwi ng bansa dahil sa lumalalang tensiyon doon.
Kabilang sa mga sumalubong sa mga naturang OFW ay mga opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW) na pinangunahan ni Undersecretary Maria Anthonette C. Velasco Allones, OFW Partylist Representative Marissa “Del Mar” Magsino, DFA Usec. Eduardo Jose de Vega at mga kinatawan mula sa TESDA, DSWD, DOH, at iba pa.
Ang mga Pinoy repatriates ay tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na aabot sa mahigit tig P100,000.
Dagdag din ni Usec. Allones, marami pang mga kababayan natin sa Israel ang nagpahayag na ng interest na umuwi ng Pilipinas.
Samantala, umaasa naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) na makauuwi na ang mga Pinoy mula sa Gaza sa susunod na linggo.
Ayon kay DFA Usec. Eduardo Jose de Vega may 135 na mga Pilipino sa Gaza pero hindi lahat gustong umuwi kahit itinaas na sa Alert Level 4 o mandatory repatriation ang sitwasyon doon.
Dagdag din ni De Vega, nanatili pa ring apat ang nasawing Pinoy habang dalawa pa rin ang missing.
Ang dalawang Pinoy na nasawi ay na-cremate na at ang mismong kamag-anak na lang ang mag-uuwi sa Pinas ng abo nito, ang ika-tatlong Pinoy na nasawi ay iuuwi na ang labi nito sa susunod na araw at ang ika-apat ay kasalukuyang nasa morgue pa.
Samantala, tiniyak naman ni Magsino na hindi titigil ang kanilang opisina sa pagbibigay ng mga benepisyo sa mga Pilipino na naapektuhan ng giyera sa Israel at Gaza.
Ayon sa DMW, wala pang katiyakan kung kailan naman maiuuwi ang susunod na batch ng mga OFW galing Israel.