20 pumping stations sa Metro Manila, ipatatayo ng MMDA

20 pumping stations sa Metro Manila, ipatatayo ng MMDA

MAGPATATAYO ng karagdagang pumping stations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang pagtugon sa malalang problema ng pagbaha sa Metro Manila.

20 pumping station ang ipatatayo ng MMDA sa Kalakhang Maynila katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Dir. Baltazar Melgar, officer-in-charge ng MMDA, 7 rito ay may pondo na.

Nitong Sabado, nakaranas ng matinding pagbaha ang Metro Manila.

Ayon kay Melgar, mabilis kasing umapaw ang tubig sa San Juan River matapos ang magdamag na pag-ulan.

Kaya inaasahan niyang makatutulong ang karagdagang pumping stations sa pagkontrol ng tubig sa nasabing ilog.

Dagdag pa ni Melgar matapos ang malakas na pagbuhos ng ulan at pagbaha ay tumambad ang mga basura.

Aniya isa rin ang mga basura sa dahilan kung bakit binabaha ang Metro Manila.

Dahil sa walang disiplinang pagtatapon ng basura ani Melgar, perwisyo at mabigat na daloy ng trapiko ang dala nito.

Kaya paalala ng MMDA sa publiko na maging responsable at disiplinado sa pagtatapon ng basura upang hindi ito makaperwisyo.

 

Follow SMNI News on Twitter