20 trainees ng Region 1, nakapagtapos ng Basic Meat Inspection Course 2023

20 trainees ng Region 1, nakapagtapos ng Basic Meat Inspection Course 2023

NAGTAPOS na sa kanilang 20-day training ang 20 partisipante ng Basic Meat Inspection Course para ngayong taong 2023 na handog ng Agriculture Training Institute (ATI) at National Meat Inspection Services (NMIS).

Ayon kay ATI-Region 1 Director Rogelio Evangelista, taon-taon ay may libreng training para sa Basic Meat Inspection kapartner ang NMIS.

Aniya, napakahalaga ang nasabing training dahil dito nakasalalay ang pagkain sa malinis na karne.

“Every year we have our one batches for itong ating Basic Meat Inspection Courses. Noong last year, merong natapos na rin so another batch will be conducted by next year. So, yearly ‘yan na meron tayo for our training in BMIC in tandem with National Meat Inspection Services,” saad ni Rogelio Evangelista, ATI-Region 1, Director.

Mga bagong graduate ng BMIC, pinaalalahanan na panghawakan ang integridad bilang meat inspector

Personal na dumalo naman si NMIS Executive Director Clarita Sangcal sa nasabing aktibidad at pinaalalahanan ang mga bagong gradweyt na panghawakan ang integridad bilang meat inspector.

’Yung ating mga meat inspector, panghawakan nila ang integridad ang hirap kasi ang isang meat inspector ay nababayaran.  Kung ikaw ay tumanggap ng isang bayad kahit magkano man ‘yan wala nang usap ‘yon. Ikaw ay isang bayaran nang meat inspector. That’s why ako sa bawat mga regions na pinupuntahan ko sa aming mga meat inspectors panghawakan ninyo ang integridad dahil ito lamang ang ating kayamanan sa ating public service, pahayag ni Clarita Sangcal, NMIS, Executive Director.

Dagdag ni Sangcal, battle cry ng NMIS ay ‘food safety’ kaya naman tiniyak nito sa mga kababayan na sila ay nagtra-trabaho para maibigay ang food safety sa mga konsyumer.

Aminado naman kay NMIS-Region 1 Director Dr. Orlando Ongsotto, marami pang kailangang gawin sa Region 1 dahil hindi lahat ng slaughter house ng mga LGU ay pasado sa minimum standard.

“Kailangan natin na unang-una ‘yung mga slaughter houses ng ating mga local government units ay wala doon sa standard. Ibig sabihin natin dapat pumasok nalang sila sa Class A or Double A. ‘Yung pinaka-minimum standard ay Class A so ‘yun ang wino-work-out natin ngayon but then hindi siya ganun kadali kasi it entails financial,” ayon kay Dr. Orlando Ongsotto, NMIS-Region 1, Director.

Dagdag ni Ongsotto na limitado lang ang pondo ng NMIS para sa financial assistance na umaabot ng P35-M kada taon sa buong bansa.

Sa ngayon, para sa mga local government unit na walang authorized meat inspector, tumutulong ang Municipal Agriculture Office at Provincial Veterinary Office at nakikipag-ugnayan na rin ang NMIS sa DILG.

Bilang meat safety advocacy, pinaalalahanan ni Ms. Daisy San Diego, isang trainer at consumer focal person, ang mga konsyumer na maging matalinong mamimili partikular na sa karne.

“Dapat ang tinitingnan ng ating mga mamimili ‘yung pag sila’y bibili ng karne dapat may Meat Inspection Certificate. Isa ‘yang dokumento na nagsasaad na ang kanilang nabiling karne sa mga meat store ito ay pumasa, ito ay sinuri ng ating mga meat inspector. So, wala kang agam-agam na ito ay magdudulot ng sakit kundi magdudulot ito ng kanilang kalusugan,” wika ni Ms. Daisy San Diego, BMIC Trainer and Consumer Focal Person.

Si Joan Vinluan, nagtapos sa Basic Meat Inspection Course, ay nangakong gagamitin nito ang natutuhan sa kaniyang lugar sa Bugallon, Pangasinan.

Batid nito na hindi madali ang trabaho ng meat inspector dahil maraming pwedeng magalit at matamaan na mga meat vendor at slaughter house owner.

“Pero ang importante po nasa puso’t isip namin siya at mai-aplay namin siya paunti-unti para hindi po mabigla ‘yung mga butchers, mga meat vendors, especially ‘yung may mga slaughter house sa may amin. Mga nagkakatay po sa labas kasi alam niyo naman culture po natin yan di po ba?  Hindi natin sila pwedeng mapigilan pero atleast ma-educate po natin sila,” ayon naman kay Joan Vinluan, BMIC Trainee.

Umaasa naman si ATI-Region 1 Director Rogelio Evangelista sa mga nagtapos sa Basic Meat Inspector Course na gagawin nila nang maayos ang trabaho at ipatutupad ang mandato bilang meat inspectors.

Follow SMNI NEWS on Twitter