Groundbreaking ceremony ng proyektong LAWA, inilunsad sa Monkayo, Davao de Oro

Groundbreaking ceremony ng proyektong LAWA, inilunsad sa Monkayo, Davao de Oro

INILUNSAD nitong Agosto 31 ang proyektong Local Adaptation to Water Access(LAWA) sa munisipalidad ng Monkayo sa Davao de Oro.

Ito ay inilunsad sa pamamagitan ng cash-for-training-and-work na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan sila ay mamimigay ng daily wage kapalit ng pagtra-trabaho sa proyekto sa loob ng 15 araw.

“Ang konsepto nito, tayong lahat ay magbayanihan, at gumawa ng ganitong struktura para makakuha ng tubig. Ang DSWD ay makikipagtulungan sa pamamagitan ng cash-for-work o cash-for-training. So, ‘yung mga beneficiaries na mapili para gumawa nito, babayaran natin sila sa araw-araw na sahod sa loob ng 15 araw.”

“Aabot sa P443 per day.”

“’Yan ang matatanggap ng bawat isang beneficiary na may kabuuang halaga na P6,645,” ayon kay Atty. Vanessa Goc-Ong,  Regional Director, DSWD Field Office XI.

Ang Project LAWA ay isang patubig na naglalayong bumuo ng tiyak na solusyon at interbensiyon na magpapagaan sa mga hamon na kinakaharap ng mga komunidad sa panahon ng matinding tagtuyot, na kadalasan ay humahantong sa kakulangan ng tubig.

Ibinahagi rin ni Atty. Vanessa Goc-Ong, kung sino-sino ang mga prayoridad na benepisyaryo ng proyektong LAWA, at ang Monkayo ang pinaka unang lugar sa Pilipinas na tatayuan ng patubig.

 “‘Yung mga kilalang mahirap, at ‘yung mga sektor na pinaka maaapektuhan ng tagtuyot, mga magsasaka, at mga mangingisda, at ‘yung ibang mga nasa ibang sektor.

“Ito ‘yung pinaka unang proyekto sa Pilipinas na susubukan na ipinakilala at inilunsad sa munisipalidad ng Monkayo” dagdag ni Atty. Goc-Ong.

Nagbigay suporta rin ang Deputy Country Director-Philippines ng World Food Programme na si Mr. Dipayan Bhattacharyya, sa pamamagitan ng pamimigay sa mga beneficiaries ng mga materyales na maaaring magamit para sa ipatatayong proyekto, gaya ng 300 pares ng gloves and boots, 100 shovels, 100 axe, at 100 G.I buckett.

Nagbigay mensahe naman sina Hon. Manuel E. Zamora, ang municipal mayor ng Monkayo sa kaniyang message of acceptance. Si Mr. Dipayan Bhattacharyya, sa kaniyang message of commitment at si Usec. Diana Rose S. Cajipe, sa kaniyang mensahe bilang Undersecretary for Disaster Response Management Group ng DSWD.

Sinisiguro naman nila na ang ipatatayong patubig ay hindi lamang magagamit para sa panahon ng El Niño, dahil maari din itong magamit para gawing fish pond upang hindi masayang.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga beneficiaries para sa isasagawang proyekto na magbibigay trabaho at sahod sa kanila mula sa DSWD.

“Malaki ang maitutulong dahil sa darating na tag-init, marami ang makaka benepisyo. Hindi lang kami makaka benepisyo, dahil makakatrabaho at magkakapera din kami. May makukuhanan din tayo ng tubig pag darating ang tag-init, hindi na tayo matatakot dahil may pangdilig na ng halaman. Malaki talaga ang maitutulong nito,” ani Randy Aligata, One of the Beneficiaries, Monkayo, Davao de Oro.

Target ng nasabing ahensiya na matapos sa Setyembre 15 ang proyekto at saka oobserbahan kung magiging epektibo ito upang maging regular na programa sa mga lugar na pinaka maaapektuhan ng El Niño gaya ng Compostela at Laak sa Davao Region.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter