NAG-e-evolve na ang paraan ng bentahan ng mga ilegal na vape product ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., sa simula ay lantaran ang pagbebenta sa mga physical store ngunit matapos ang mga naunang raid at pagkakakumpiska ng mga produkto, itinago na nila ang mga ilegal. Ang mga compliant na vape products na lang ang naka-display.
Tapos ang sunod nilang ginawa ay nag-shift na sila sa online.
Kamakailan lang, nasamsam ng BIR katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), ang 20,000 piraso ng ilegal na vape products sa isang isinagawang operasyon sa Guiguinto, Bulacan.
Ibinunyag ng opisyal na ang bahay ay ginamit bilang tagong imbakan ng mga ilegal na produktong ito na karamiha’y ibinibenta online, na walang kaukulang dokumento at hindi rehistrado sa BIR.
Sambit ni Lumagui, aabot sa halos P6M ang tax liabilities nito.
“Karamihan ng kaniyang benta ay online.”
“Mapa-Facebook man iyan; alam namin at binabantayan namin lahat ng mga online platforms at iyong mga market place. Nakikita natin na nagkakaroon ng mga groups na kung saan nagkakaroon ng transaksiyon at nagbebentahan, kaya naman diyan tayo nakatutok ngayon,” saad ni Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
Patuloy naman ang kanilang koordinasyon sa mga ahensiyang gaya ng NBI para masawata ang lumalalang online trade ng hindi lisensiyado at hindi rehistradong vape products.
BIR: Lahat ng sangkot sa ilegal na vape trade, kakasuhan; may-ari ng bahay at riders, damay
Tiniyak din ng BIR na ikakasa nila ang pagsasampa ng mga kaso laban sa lahat ng mga indibidwal na sangkot sa ilegal na kalakalan ng vape products.
Hindi lamang ang mga negosyante ang pananagutin, kundi pati na rin ang mga registered owner ng bahay, condominium, o iba pang ari-arian kung saan natagpuan ang mga hindi lisensiyado at hindi nabuwisang vape products.
Kasama rin sa papanagutin ang mga online agent pati na rin ang mga delivery rider na nasabat sa operasyon.
Isa sa pangunahing kasong isasampa ay ang “unlawful possession of excisable articles without payment of excise tax”, alinsunod sa batas. Ayon sa BIR, hindi kinakailangang ikaw mismo ang nagbenta ng produkto—sapat na ebidensiyang makita ito sa iyong pag-aari para makasuhan.
“Kaya siguraduhin natin na huwag tayong papayag na gawing imbakan ang mga bahay-bahay natin at ang mga warehouse natin dahil damay kayo sa kaso na iyan,” wika ni Lumagui.
Bukod rito, isasampa rin ang kasong tax evasion laban sa mga kumpirmadong nagbebenta at responsable sa pag-iikot ng produkto online.
Nanawagan naman ang BIR sa publiko na makiisa sa laban kontra ilegal na imbakan at bentahan ng vape products sa mga residential area gaya ng mga bahay at condominium units.
“Ang pagsumbong po ninyo ay puwede po ninyong gamitin si Revie, iyong chatbox natin sa ating website na puwede pong mag-submit ng complaint diyan. Or sa email po natin, [email protected]. Ibigay lamang po iyong detalye, kung saan, ano iyong mga nakita ninyo at saan po iyang lugar na iyan at maaksiyunan po natin iyan,” aniya.