21 Pinoy seafarers ng MV Tutor na nakaligtas sa Houthi rebels, nakatakdang umuwi ng Pilipinas

21 Pinoy seafarers ng MV Tutor na nakaligtas sa Houthi rebels, nakatakdang umuwi ng Pilipinas

LULAN ng Gulf Air Flight GF154 ay inaasahang lalapag sa NAIA Terminal-3 alas onse ‘y media ng umaga araw ng Lunes ang 21 Pinoy seaman na sakay ng barko ng MV TUTOR na nakaligtas mula sa Houthi rebels sa Red Sea noong Hunyo 12.

Una nang sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na sa 22 Pinoy seafarers na sakay ng MV TUTOR, 21 sa mga ito ay ligtas. Wala namang naiulat na nasugatan, habang ang isang Pinoy seaman ay patuloy pa ring hinahanap.

“Tinamaan kasi ‘yung barko kasi sa maselang bahagi sa engine room also, naapektuhan which was flooded, right now we are still in the process, trying to account for,” saad ni Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Ayon sa ulat, hinampas ng mga rebeldeng Houthi sa kanlurang baybayin ng Yemen ang Liberia-flagged Tutor gamit ang mga drone at missiles noong Hunyo 12.

Sakay ng MV Tutor ang 22 Filipino seafarers.

Ang pag-atake ay malapit sa Yemeni port ng Hodeidah na nagdulot ng matinding pagbaha at pinsala sa silid ng makina dahilan para hindi makapag-maniobra ang barko.

Hindi pa naman umano lumulubog ang nasabing barko na pinasok na ito ng tubig.

Samantala, nakatakda ring dumating sa Lunes ng hapon, ang mga labi ng tatlong Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi sa sunog sa Al-Mangaf area sa Kuwait City, Kuwait.

Agad na ipinag-utos ni OWWA Administrator Arnell Ignacio sa OWWA Kuwait Post na asikasuhin ang letter of acceptance ng Next of Kin (NOK) at garantiyahan ang iba pang mga kinakailangang dokumento para sa mabilis na pagpapauwi sa labi ng tatlong OFWs.

Inatasan din ni Ignacio ang mga regional welfare offices na kaagad na makipag-ugnayan sa kanilang mga kaanak para mabigyan ng agarang tulong at suporta.

Tiniyak ng OWWA na maagap nilang tinugunan ang pangangailangan ng iba pang mga OFW at kanilang pamilya na naapektuhan ng sunog.

Ang tatlong Pinoy na nasawi ay kabilang sa 11 OFW na naapektuhan ng sunog, habang dalawa sa kanila ay nasa kritikal na kondsiyon. Ligtas at nasa maayos na kondisyon na rin ang anim na Pinoy workers.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble