22 tripulanteng Pinoy crew ng MV Transworld Navigator na nakaligtas sa Houthi rebels, balik-Pinas na

22 tripulanteng Pinoy crew ng MV Transworld Navigator na nakaligtas sa Houthi rebels, balik-Pinas na

LULAN ng dalawang flights ng Cathay Pacific mula Hongkong ay dumating na sa Pilipinas ang sampung Pinoy seamen nitong Martes ng gabi o July 2, 2024.

Miyerkules naman ng madaling-araw, July 3, 2024, nang dumating ang labindalawang pinoy seaman sa Pinas.

Ang mga naturang Pinoy Marino ay parehong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal-3.

Agad silang sinalubong ng mga opisyal ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa kanilang pagdating sa bansa, nakatanggap ng financial assistance ang bawat tripulante mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nauna nang nakauwi sa Pilipinas ang lima nilang kasamahan nitong Linggo.

Ang MV Transworld Navigator ay biktima rin ng makailang ulit na pambobomba ng mga Houthi habang naglalayag sa Red Sea noong nakaraang linggo.

Sa naturang barko, sakay ang 27 marinong Pinoy na ligtas.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac, hindi tinamaan ang MV Transworld Navigator matapos magpakawala ng missile ang mga rebeldeng Houthi.

Sinasabing inatake umano ng mga rebelde ang MV Transworld Navigator dahil dumaong ito sa isang pantalan sa Israel.

Ang mga rebeldeng Houthi sa Yemen ay pinopondohan ng bansang Iran.

Inaatake nila ang mga barkong may koneksyon sa bansang Israel.

Samantala masayang sinalubong ng OWWA Repatriation team at ng ibang sangay ng gobyerno ang limang overseas Filipino worker (OFWs) na apektado ng patuloy na sigalot sa Haiti.

Bukod sa pagkain, inumin, hotel accommodation at transportasyon sa kanilang pag-uwi patungo sa kani-kanilang probinsya ay makakatanggap din sila ng financial assistance galing sa OWWA.

Ang limang OFW ay kusang humiling ng repatriation mula sa Department of Migrant Workers at agad na tumulong sa pamamagitan ng DMW AKSYON Fund.

Ito ang unang batch mula sa 40 OFW na nagpahiwatig ng intensyon na mapauwi mula sa Haiti dahil sa marahas na gang activities sa bansang Caribbean.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble