233 airport projects, natapos ng DOTr sa ilalim ng Build, Build, Build Program

233 airport projects, natapos ng DOTr sa ilalim ng Build, Build, Build Program

MULA sa 214 na nakumpletong airport projects noong Hulyo, nadagdagan pa ang natapos na mga proyekto at umabot na sa 233 ang bilang ng airport projects ang naayos ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ito ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade kung saan noong nag-report aniya ito noong Hulyo ngayong taon, nabanggit nitong mayroong 214 completed projects sa aviation at airport sector ng kagawaran.

Sa huling tala naman nitong Nobyembre 2021, 233 na ang nakumpletong proyekto, ibig sabihin, 19 ang natapos sa loob lamang ng tatlong buwan.

Kabilang sa nakumpletong proyekto rito ang Bicol International Airport at Clark International Airport.

“Una po, iyong tinatawag natin na Bicol International Airport. Ito hong proyektong ito ay delayed ng maraming taon, 11 years. In fact, nabanggit ko na noon at uulitin ko, nagkaroon ho ng tatlong groundbreaking ito,” pahayag ni Tugade.

“Itong airport na ito, ginawa ko ho ‘yung contactless na ginawa natin sa Clark na kung saan contactless ‘yung check-in, contactless ‘yung tinatawag na baggage delivery. Lahat ho ito contactless.”

Kasama rin dito sa nakumpletong proyekto ang Mactan Cebu International Airport.

“Noon hong nag-report ako sinabi ko ho ‘yung Corporate Building ng Mactan International Airport Authority ay tatapusin bago matapos ‘yung taon. I am happy, Mr. President, to report to you, flashed on the screen is the Mactan Cebu International Airport new MCIAA Corporate Building  and New Runway,” ayon kay Tugade.

Bukod dito, kabilang din sa natapos na proyekto ang Butuan Airport, Siquijor Airport at Catarman Airport.

“Kung titingnan mo ‘yung Catarman Airport, parang isang malaking sari-sari store. Pero ngayon ho, ‘yung Catarman Airport kung titingnan niyo sa video, talaga namang sasabihin mo mukhang airport na,” dagdag ng kalihim.

“Kung titingnan mo ‘yung Siquijor Airport ngayon, talagang makikita mo ‘yung pagbabago. Matutuwa tayo na iiwanan natin iyong mga airport na ito na matutuwa ka na kaaya-aya magbiyahe ang mga tao.”

“Tingnan niyo ‘yung itsura ng Butuan Airport ngayon. Makikita niyo ‘yung pagkakaiba. Masasabi natin na talaga maski na ito’y maliliit na airport, community airports, isa hong airport na puwedeng ipagmalaki.”

Ang General Santos International Airport naman ay pinalawak ang passenger terminal building, binago ang parking area at tinapos ang storm drainage.

Dahil sa naturang mga improvement, ang kapasidad ng paliparan sa General Santos ngayon ay 2 million na mga pasahero kada taon, ikumpara noon na 1 million passenger capacity lamang.

Ang passenger terminal building naman ng Zamboanga Airport ay sumailalim sa rehabilitasyon kasabay ng pagsasagawa ng runway repair, grading at asphalt overlay at taxiway, at nagkaroon din ng Malasakit Hall dito.

Makapagsisilbi naman ang Zamboanga International Airport ng 300,000 na mga pasahero kada taon, ikumpara sa 180,000 per year noong bago ang pandemya.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa airport projects na natapos na talagang lubos na ikinatuwa ng DOTr chief ang maraming pagbabago na nagawa sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

SMNI NEWS