IDINETALYE ni Leyte Rep. Richard Gomez kung anu-anong mga probisyon sa 1987 Constitution ang dapat luwagan.
Lusot na sa Kamara nitong Martes, March 14 ang Con-con Bill na layong amyendahan ang 1987 Constitution.
301 na mambabatas ang pabor dito para magpatawag ng Constitutional convention upang luwagan ang economic restrictions ng Saligang Batas.
At ayon kay Leyte Rep. Richard Gomez, napapanahon ang hakbang para makapagpapasok ng foreign investors.
Ani Gomez, tatlong probisyon ang nakita nilang dapat luwagan sa lalong madaling panahon.
“Meron diyan yung Article 2 section 19 na nagsasabi na the state shall develop a self-reliant and independent national economy effectively controlled by Filipinos. Eh pag sinabi mong effectively controlled by Filipinos, hindi mo na pinapapasok diyan yung mga foreign investments diyan kasi ang current na sistema natin 60/40 system no? And alam mo hindi efficient talaga yan para i-maximize mo yung economic potential ng foreign investments,” ayon kay Rep. Richard Gomez, 4th District, Leyte.
Diin ni Gomez, sa makabagong panahon ngayon ay gusto ng mga investor na mabago ang nabanggit na sistema.
At makapagmay-ari ng negosyo sa Pilipinas nang walang limitasyon.
“Yung pangalawa naman yung Article 12, section 10 kung titignan natin yung paragraph 2 ang sinasabi doon ay in the grant of rights, privileges and concessions covering the national economy and patrimony, the state shall give preference sa mga qualified na mga Filipinos. So doon pa lang sinasabi na give preference sa mga qualified na Filipinos. So if hindi qualified na Filipinos yung investors anong mangyayari? Ni hindi pupwede? Kasi yung current provision talagang yun ang ini-impose. Kahit na foreigner, kahit na mas qualified pa sa Filipinos hindi talaga pwedeng pagbigyan ang mga foreigners,” dagdag pa ni Gomez.
Saad pa ni Cong. Goma na marami nang foreign investors ang umalis ng Pilipinas dahil sa higpit ng restrictions.
Lalo na’t pwedeng mademanda ang mga ito sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“Tapos yung pangatlong provision naman yung Article 12 section 22, ang sinasabi acts with circumvent and negate any of the provisions of this article- ang pinag-uusapan dito yung national economy and patrimony shall be considered inimical. Eh pinagdududahan mo pa lang and subject to criminal and civil sanctions as maybe provided by law. So ito pa lang, nilalagay mo na kaagad yung economic provisions sinasabi mo sa mga foreign investors na naku eh pag-pinagdududahan mo palang yung foreign investors pwede mo na kaagad kasuhan? Pwede mo nang… Pwede na paikutin mo na yung batas dun. So yun ang kinakatakot nila. So sasabihin ng mga foreign investors bakit kailangan nating mag-invest sa Pilipinas?” aniya pa.
Sa Senado, malamig ang mayorya ng mga senador sa panukalang Charter change (Cha-cha).
Katunayan, nagtataka pa si Senate President Migz Zubiri kung bakit nagmamadali ang Kamara dito.
Wala raw kasi ang Cha-cha sa priority bills ng administrasyon.
Pero ayon kay Rep. Gomez, hindi lamang nakasalalay ang kinabukasan ng bansa sa 24 na mga senador.
Mga senador na laging kontra sa Cha-cha.
“The future of the Philippines, yung future, trabaho, ekonomiya ng Pilipinas dapat hindi lang nakasalalay sa 24 na tao over 110 million Filipinos. Dapat bigyan natin ng pagkakataon na amyendahan natin itong Konstitusyon na kinakailangan talaga ng bansa natin,” pagtatapos ni Gomez.