NEGATIBO sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang 31 Metro Manila Police na pinatawag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Jonnel Estomo dahil sa diumano’y kinalaman nito sa iligal na droga.
January 12 ngayong taon nang personal na ipinatawag ni Estomo ang naturang mga pulis na nasa illegal drugs watchlist sa Metro Manila.
Matapos ang ginawang pulong ni Estomo sa mga kasamahan nito, agad na sumailalim ang mga ito sa isang surprise drug test.
Agad namang nagbigay ng direktiba si Estomo sa board nito na bilisan ang proseso ng drug test at ebalwasyon para sa mga natitira pang kawani ng Metro Manila Police na sangkot sa iligal na droga.
Sa kabilang banda, napag-alaman naman sa pamamagitan ng isang text message mula sa Chief Public Information Officer ng NCRPO na si Police Major Anthony Alising, na may mga pulis ang hindi pa rin tumutugon sa drug test.
Agad din nilang aalamin sa mga ito ang dahilan kung bakit ayaw ng mga ito sumailalim sa nasabing test.