NAKABIYAHE na ang isa sa mga C-130 plane ng Philippine Air Force (PAF) para maghatid ng relief goods sa mga bitkima ng Bagyong Odette partikular na sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Air Force spokesperson LtCol. Menard Mariano, sakay ng C-130 na may serial number na 5011 ang mahigit sa 33,000 pounds ng relief goods para sa mga nasalanta ng nasabing bagyo.
Kabilang sa mga ipamamahagi ng PAF ang bigas, tubig, mga damit, tents, canned goods, at generator sets.
Bukod sa nasabing mga pagkain at kagamitan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa search and rescue operations at evacuation sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Odette.
Nauna nang nagpadala ang pamahalaan sa ilalim ng superbisyon ng Philippine Navy ng 19 na barko para tumulong sa mga apektado ng Bagyong Odette.
Binubuo ito ng 7 sealifts vessels para magdala ng mga relief goods at locally stranded individuals.
May dalawang patrol ships din ito at walong watercraft bilang general support vessels.
Samantala, ipinagamit na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte kanyang Presidential Yacht BRP ng Pangulo (ACS25) bilang hospital ship.
Kasama sa mga ipinadala ng Philippine Navy ang:
BRP Tarlac (LD601)
BRP Bacolod City (LS550)
BRP Antonio Luna (FF151)
BRP Andres Bonifacio (PS17)
BRP Iwak (LC289)
BRP Agta (LC290)
BRP Ivatan (LC298)
Kasalukuyan na itong tumutulong sa ilang Humanitarian Assistance at Disaster Response sa Cebu, Palawan, at Northern Mindanao, Surigao, Dinagat Island, at Siargao Island.
Habang nasa bahagi rin ng Cebu ang BRP Tausug (LC295), BRP Enrique Jurado (PC371), BRP Abraham Campo (PC396) para sa iba pang tulong nito.
Sa kabilang banda, nagtungo na rin sa Northern Mindanao para sa serye ng relief operations ang mga barko ng BRP Gregorio Velasquez (AGR702), BRP Hilario Ruiz (PC378) at BRP Rafael Pargas (PC379)
Habang nakaposisyon sa Palawan ang BRP Mangyan (AC71), BRP Jose Andrada (PC370), BRP Carlos Albert (PC375), at BRP Dioscoro Papa (PC381) sakaling kailanganin pa ng dagdag na pwersa sa mga aktibidad ng mga lokal na pamahalaan ng probinsiya.