Mga LGU, mas pinahahanda ng NTF laban sa banta ng Omicron variant

KASUNOD ng naitalang ikatlong kaso ng Omicron variant sa bansa, muling iginiit ng National Task Force Against COVID-19 (NTF COVID-19) na kinakailangang maghanda ng mga lokal na pamahalaan laban sa bagong variant sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kanilang COVID response at vaccination program.

Sa kabila ng patuloy na pagbaba ng naitatalang COVID active cases sa bansa, nagpaalala ang National Task Force Against COVID-19 na huwag magkumpiyansa dahil sa banta ng Omicron variant.

Muling nagpaalala ang National Task Force Against COVID-19 sa mga lokal na pamahalaan na nagpapatuloy pa ang laban ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Ito ay sa kabila ng pagbaba ng mga naitalang active cases ng COVID-19 sa bansa at kasunod din ng ikatlong kaso ng Omicron variant.

Ayon kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., posibleng minamaliit ng karamihan ang banta ng Omicron na siyang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bansang mayroon nang mga kumpirmadong kaso.

Iginiit ni Galvez na kailangang paghandaan ng mga quarantine at treatment facilities ng mga lokal na pamahalaan ang banta ng Omicron.

Hinikayat naman ni Sec. Vince Dizon ang iba pa na hindi mabakunado na magbakuna na laban sa COVID-19 at huwag nang magmatigas.

Maliban sa pagbabakuna, ipinaalala rin ni Dizon sa publiko na kinakailangang suutin ang mask palagi.

Samantala, hindi muna iminumungkahi ng NTF ang pagpapatuloy ng vaccine rollout sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette at sa halip anila ay dapat munang tutukan ang pagbangon ng mga ito.

SMNI NEWS