4 dating rebelde, 11 armas sabay isinuko sa mga sundalo sa South Cotabato

4 dating rebelde, 11 armas sabay isinuko sa mga sundalo sa South Cotabato

SA harap ng mas pinalakas na military operations laban sa mga kalaban ng estado, kusang sumuko at nagbalik-loob sa gobyerno ang apat na dating rebelde o former rebels (FRs) mula sa komunistang grupo at lokal na terorista sa South Cotabato.

Ang mga ito ay nagpasyang isuko ang armas at tahakin ang bagong landas sa ilalim ng pamahalaan, dala ang takot para sa kanilang kaligtasan dulot ng patuloy at pinaigting na operasyon ng militar.

Ayon kay Lt. Col. Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38th Infantry Battalion, tatlo sa mga nagsuko ay dating miyembro ng komunistang terorista habang ang isa ay mula sa lokal na teroristang grupo. Bitbit nila ang kanilang mga kagamitang pandigma sa himpilan ng 38IB sa Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato.

Bukod sa apat na rebelde, 11 loose firearms din ang isinuko ng mga sibilyan na dati nilang itinatago sa kani-kanilang tahanan.

Iprinisenta ni Lt. Col. Felongco ang mga nagbalik-loob sa harap ng mga opisyal ng militar, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kapulisan, at lokal na pamahalaan ng Polomolok, South Cotabato.

Bilang tugon, agad namang pinagkalooban ng cash assistance at food packs ang mga dating rebelde mula sa DSWD Region XII at mga lokal na pamahalaan ng Polomolok, Tantangan, at Banga.

Ayon kay Col. Ronel Manalo, commander ng 1st Mechanized Brigade, hindi lamang pagbawi ng armas ang layunin ng kanilang operasyon, kundi pati pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga dating kalaban ng estado.

“Ang tagumpay sa operasyon ng ating mga kasundaluhan ay hindi lamang pagrekober ng mga armas kundi pati na rin sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga nagbalikloob na muling magsimula ng isang bagong buhay,” saad ni Col. Ronel Manalo, Commander, 1st Mechanized Brigade, PA.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, na ang tagumpay na ito ay bunga ng hindi matitinag na dedikasyon ng mga kasundaluhan sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa mga komunidad.

“Ang pagpapakita ng mga dating rebelde ng kanilang kagustuhang magbagongbuhay ay nagpapatunay ng ating tagumpay hindi lamang sa laban sa terorismo kundi pati na rin sa pagpapaabot ng kapayapaan at pagkakaisa sa lahat ng nais magbalikloob sa pamahalaan, ayon kay MGen. Donald Gumiran, Commander, 6th Infantry Division.

Dagdag pa ng Division Commander, magpapatuloy ang misyon ng mga sundalo katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor upang mapalaganap ang pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa Mindanao.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble