IPAMAMAHAGI na ngayong araw ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Juan ang ayuda na mula sa national government para sa mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ang first batch ng payout ng cash assistance ay ibibigay sa apat na barangay ng lungsod kabilang na ang:
Brgy. St. Joseph
Brgy. Maytunas
Brgy. Isabelita
Brgy. Addition Hills
Gaganapin ang pamamahagi sa barangay hall ng bawat barangay mamayang alas diyes ng umaga.
Manu-manong ibibigay ng mga kawani ng City Treasury Department at ng City Social Welfare and Development Department ang cash assistance.
Para maiwasan ang overcrowding, hanggang limampung indibidwal lang ang papayagang makakapasok sa venue kada oras.
Magbabantay din sa tamang pagpatutupad ng health protocols ang mga tauhan ng San Juan Police at Bureau of Fire Protection o BFP sa bawat lugar.
Ang mga claimant na nakatakdang mabibigyan mamaya ay ang mga benepisyaryo mula sa Social Amelioration Program o SAP 1 at 2 ng nakaraang taon kabilang na ang mga waitlisted at 4Ps na nakalista sa official list ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Mamahagi rin ng cash assistance ang San Juan LGU sa mga indibidwal na pending pa ang verifications.
Iikot naman sa naturang mga barangay si San Juan City Mayor Francis Zamora kasama sina National Action Plan against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, DILG Usec. Jonathan Malaya, DSWD Usec. Feliciano Bodiongan at San Juan City DILG Director Sylvestre Barrameda para obserbahan ang pay-out ng mga ayuda.
Una nang sinabi ni Mayor Zamora na cash ang ibibigay na ayuda sa mga residente ng San Juan.
Aniya, higit na makatutulong ito dahil may mga personal na mga pangangailangan ang bawat residente.
“We opted to distribute the ECQ ayuda in cash instead of “in kind” to give our beneficiaries flexibility because there may be other essentials like maintenance medicines and vitamins that they may need to buy and we wanted it to be given immediately to those whose lives have been greatly affected by the ECQ for the last two weeks,” pahayag ni Mayor Zamora.
(BASAHIN: Problema sa buhol-buhol na kable ng kuryente sa San Juan City, aayusin)