INIHAYAG ni Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mas inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero ngayong darating na Undas.
Aniya, kung ikukumpara noong 2022, nasa mahigit 20 milyon na mga pasahero ang dumagsa sa mga paliparan na ino-operate ng CAAP.
Ngayon taong 2023 mula Enero hanggang Setyembre, nasa mahigit 25 milyong pasahero na ang dumagsa sa mga airport na ino-operate ng CAAP.
Kaya naman ayon kay Apolonio, pinaghahandaan na nila ang volume ng mga pasahero ngayong darating na Undas.
Dagdag din ni Apolonio, lahat ng CAAP commercial airports ay kasalukuyang nasa sa heightened alert status bilang tugon sa kamakailang naiulat na mga bomb joke at pagbabanta kaya naman ang seguridad sa mga paliparan ay mas pinaigting.
Sa ilalim ng International Civil Aviation Organization (ICAO) Annex 17 Standard 4.4 1, ang mga airport security personnel na naka-duty ay dapat tiyakin na ang mga pasahero at ang kanilang mga bagahe ay masusing sinusuri bago sumakay sa sasakyang panghimpapawid.
Inatasan din ang lahat ng 12 Area Manager na humahawak sa mga paliparan na ino-operate ng CAAP na may mga commercial flight sa buong bansa na dapat tiyakin ang maximum deployment of service at security personnel.
Ipapatupad din ang “no leave” policy sa buong panahon ng Oplan Biyaheng Ayos.
Itatayo ang DOTr Malasakit Help Desk sa mga paliparan sa bansa at mga hotline na pinamamahalaan ng mga duty officer ay naka-set-up din upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasahero.
Ayon din sa CAAP inaasahan na sa buong taon ng 2023 ay aabot sa 30-31 milyong pasahero ang dadagsa sa mga paliparan na pinamumunuan ng CAAP.