TUMAAS ang bilang ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) mula Enero hanggang Marso ngayong taon sa pamahalaang panlungsod ng Quezon City.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, nakapagtala ang lungsod ng apat na raan at dalawampu’t isang (421) bagong kaso ng HIV, na may pinto punto pitong (7.7) porsyentong pagtaas kumpara sa tatlong daan at siyamnapu’t isang (391) kaso na naitala noong nakaraang taon. Isang daan at apatnapu’t siyam (149) sa mga kasong ito ay mula sa mga kabataang may edad labing lima hanggang dalawampu’t apat na taong gulang, at apatnapung (40) porsyento sa kanila ay mga estudyante.
Bilang bahagi ng kanilang hakbang para matugunan ito, sinabi ni Belmonte na nagpapatuloy ang lungsod sa pagpapalakas ng kanilang mga testing effort. Mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, mahigit dalawampu’t isang (21,000) katao na ang naisailalim sa HIV testing, na labing anim punto pitong (16.7) porsyento na mas mataas kumpara noong 2024, at animnapung (60) porsyento na mas mataas kaysa noong 2022.
Bukod diyan, nagtatag din ang lungsod ng mga Social Hygiene at Sundown Clinics at magbubukas ng “Klinika Talipapa” na nag-aalok ng mga libreng serbisyo tulad ng HIV at AIDS testing, at iba pang sexually transmitted infections.
Dagdag pa ni Belmonte, tinitiyak ng Quezon City Health Department na natutugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa lungsod.