44 towers, inaasahang itatayo sa Palayan City Township Housing Project sa Nueva Ecija

44 towers, inaasahang itatayo sa Palayan City Township Housing Project sa Nueva Ecija

PERSONAL na tinungo at tiningnan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga plano para sa itatayong Palayan City Township Housing Project sa Nueva Ecija.

Kapag natapos ang community township, inaasahang tatayo ang 44 towers na kayang mag-accommodate ng 11,000 housing units.

Itatampok din sa proyekto ang isang market area, livelihood center, health center at elementary school, bukod sa iba pang nakaplanong amenities at imprastraktura.

“Marami na tayong experience, marami na tayong pinagdaanan na nakita natin yung biglaan na response, eh basta magtayo ng bahay, yung bahay walang tubig, walang kuryente, walang kalsada, malayo sa hanapbuhay, sa trabaho, walang eskwelehan, walang sakayan, babaan, yung ang hindi dapat makalimutan, kayat eto ang ating ginagawa ganun ang ating sinusundan,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Binigyang-diin naman ni Secretary Acuzar na hindi lamang simpleng pagtatayo ng bahay ang nais ng Pangulo, bagkus, nais din nito na mapanatili ang source of living ng mga residente rito.

“Like what I always say, our President not only wants us to simply build houses – but, more importantly, develop an enabling community which will allow home dwellers to sustain their source of living and provide comfort in their daily lives,” ani Sec. Jose Rizalino Acuzar, DHSUD.

Sa ilalim ng ‘Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program,’ patuloy na magtatayo ang pamahalaan ng ligtas, abot-kaya at komportableng tahanan sa mga Pilipino.

 “Siguro pagtinignan natin nang mabuti ang numero, ay milyon milyon talaga ang walang matirahan, kung saan saan na lang tumitira. Ang iba naging squatter na. Eh eto hindi lamang ito yung walang trabaho o yung galing sa labas na naging squatter lang, hindi ito, mga nagtatrabaho po ito, wala lang talaga silang matirahan,” ayon pa sa Pangulong Marcos.

Kasabay ng event, nilagdaan ang isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at government financial institutions bilang commitment sa funding strategies ng mga proyekto sa pabahay ng DHSUD.

Ani Pangulong Marcos, hindi kakayanin na maitaguyod ang programa kung mag-isa lang na kumikilos ang national government.

“Hindi kakayanin ng national agency ito kung hindi nagkaka-ugnayan sa LGU kaya’t kaya naman magiging successful ito dahil ang LGU din ay maganda na may tinuturo, may lupa dito, tutulong kami sa development, etc etc pati sa financing ibibida namin sa tao, all of these things have to come together,” dagdag ng Pangulo.

Ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ay flagship housing project ni Pangulong Marcos na naglalayong makapagbigay ng tahanan sa 6 na milyong mga Pilipino.

Layon din ng programa na makapaglikha ng nasa 1.7 milyong trabaho kada taon mula 2023 hanggang 2028.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang DSHUD sa pangunguna ng pabahay program, maging ang LGUs na sumuporta sa implementasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter