52% sa higit P511-M cash aid, naipamahagi na ng Makati LGU

52% sa higit P511-M cash aid, naipamahagi na ng Makati LGU

NAIPAMAHAGI na ng Makati LGU ang 52% sa higit P511-M cash aid contactless distribusyon.

Ito yung kapamaraanan ng pamahalaang lokal ng Makati City upang maging ligtas at convenient ang pamamahagi ng ayuda sa lungsod.

Hindi pa bakunado si Judy Ann, isa sa mga residenteng nabigyan ng ayuda, kaya’t siya ay nangangamba na lumabas ng bahay dahil na rin sa mas nakakahawang Delta Variant.

Kaya naman ikinatuwa rin nito ang contactless na pamamahagi ng ECQ ayuda sa lungsod ng Makati dahil hindi na siya kailangang pumunta pa sa distribution center.

Nang pumasok na sa GCash account ang pera ng kanyang tatanggapin mula sa national government ay agad na tumungo si Judy Ann sa malapit na tindahan upang mag-cash out.

Pero may iilan na nais nila na face-to-face distribution na lang dahil wala silang cellphone at GCash account.

Pero ayon kay Atty. Don Camiña, tagapagsalita ng Makati LGU, na maaari namang gawin ang physical distribution ng ayuda.

Aniya maaring  sa susunod na linggo ay sisimulan na nila ang pamamahagi sa kada barangay kung  hindi pa ma-update ng mga benepisyaryo ang kanilang records at makapagregister sa online portal.

“Syempre ang ginagawa naman natin pinakalast option natin ay mag-physical distribution pa rin tayo. Syempre tinitingnan natin lahat ng opportunities ang mga tao thru online o thru the barangay para mabigyan sila ng GCash account. Pero kung talagang mahihirapan din naman sila, kung wala silang cellphone as what you have said kanina, magkakaroon din naman tayo ng physical distribution. So we’re just waiting na ma-finalize yung listahan natin kung sino yung hindi na makaka-register and ‘yun ‘yung pupuntahin natin. Equally in each barangay magkakaroon tayo ng distribution sa mga barangay naman,”ayon kay Atty Don Camiña, Spokesperson, Makati City Government.

Samantala, inanunsyo ni Makati City Mayor Abby Binay na naipamahagi na nila ang 52% sa P511.98-million cash aid sa mga kwalipikadong tumanggap ng ayuda.

Ito ay sa pamamagitan ng electronic cash transfer na GCash.

Ayon kay Mayor Binay, higit 233,679 na benepisyaryo ang nakatanggap ng kanilang ayuda sa unang araw ng distribusyon.

Sinabi ng alkade na nais nila na maging contactless at convenient ang distribusyon ng ECQ ayuda upang hindi na kinakailangan pang pumunta sa isang lugar at pumila na maging dahilan upang mahawaan pa ng COVID-19.

“We wanted to make the distribution of cash aid contactless and convenient. We are glad that we achieved a 52-percent utilization rate in just one day, without the long queues and crowds that would have put everyone at risk of getting infected with COVID,”ayon kay Mayor Binay.

Ang listahan ng mga benepisyaryo ng ayuda o financial aid ng gobyerno ay makikita sa kani-kanilang barangay na nakasasakop sa kanila.

Maaari rin tumungo sa My Makati Facebook page upang makita ang listahan ng mga tatanggap ng ayuda na mas ligtas kaysa pumunta sa Barangay hall.

SMNI NEWS