525 OFWs at 30 dependents, nakauwi na mula Lebanon─DMW

525 OFWs at 30 dependents, nakauwi na mula Lebanon─DMW

LIGTAS nang nakauwi sa bansa nitong Huwebes ng hapon ang karagdagang 45 Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama ang dalawang menor de edad mula sa Lebanon. Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Isa sa mga nakauwi ay si Aling Felicilda, 56 taong gulang, na nagtrabaho bilang tagapag-alaga sa Lebanon sa loob ng 18 taon.

Boluntaryong umuwi si Aling Felicilda dahil sa sobrang kaguluhan sa lugar, kahit hindi pa tapos ang kaniyang kontrata.

“Mahirap bitawan, but kailangan. I want myself safe, I want to be with my family,” pahayag ni Felicilda Aboc, OFW mula Lebanon.

Sinabi naman ni Atty. Falconi Millar, head ng Repatriations and Assistance Division ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na patuloy ang pag-avail ng repatriation program ng OFWs sa Lebanon.

“Sila po talaga ay naiiyak sa tuwa dahil nandito na sila. Wala na silang ma-e-experience na pagsabog, wala na silang ma-e-experience na mausok dahil hindi po nalalayo sa tirahan nila ang mga na-e-experience na mga usok at pagsabog,” wika ni Atty. Falconi Millar, Head, Repatriations and Assistance Division, DMW.

Sinalubong ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang sina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, Health Secretary Teodoro Herbosa, at Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, ang mga dumating na OFWs sa paliparan.

Ang repatriation ay bahagi ng voluntary repatriation program ng pamahalaan, na nakapagpauwi na ng kabuuang 525 OFWs at 30 dependents mula sa Lebanon simula nang pumutok ang hidwaan sa pagitan ng Hezbollah at Israeli enforces noong Oktubre 2023.

Tinitiyak ng pamahalaan ang patuloy na pagbibigay ng agarang tulong at suporta sa mga OFWs na naapektuhan ng kaguluhan, kabilang ang tulong-pinansiyal, transportasyon, pagkain, at pansamantalang matutuluyan para sa kanilang maayos na pagbabalik sa bansa.

“I’m very lucky today to see the 47 are in good physical condition. They will still undergo physical examination and psychological first aid for the crisis they went through,” wika ni Secretary Teodoro Herbosa, DOH.

“Tutulungan namin ang sinumang OFW o mga Pilipino na dumudulog para sa kanilang pangangailangan at kailangang matulungan. So, tuluy-tuloy lang po tayo at nanatiling bukas ang aming mga tanggapan at puso para sa mga OFW na nangangailangan ng tulong,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble