52nd SEAMEO Council Conference, pinangunahan ni VP at Education Sec. Sara Duterte

52nd SEAMEO Council Conference, pinangunahan ni VP at Education Sec. Sara Duterte

OPISYAL nang nagsimula ang ika-52 Southeast Asian Ministers of Education Organization Council Conference (SEAMEO) na ginanap sa Shangrila Hotel sa Mandaluyong City araw ng Miyerkules.

Pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pagbubukas ng SEAMEO Council Conference na may tema ngayong taon na “Transformation through learning exchange: Building resilient systems as a region.”

Dinaluhan ito ng mga delegasyon mula sa 11 bansa mula sa Timog-Silangang Asya.

Kabilang na rito ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam at Pilipinas na host ng komperensiya.

Sa kaniyang talumpati, binigyang diin ni VP Duterte ang halaga ng papel ng mga education leader sa Southeast Asia para sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon sa rehiyon matapos ang krisis na dulot ng COVID-19.

Ayon sa pangalawang pangulo nang dahil sa nagdaang pandemya iba’t ibang isyu ang hinarap ng education sector na nagresulta sa malalang kalidad ng edukasyon sa rehiyon.

Dahil dito iginiit ni Vice President Duterte ang pangangailangan ng agarang askyon at hindi pagsasayang ng oras sa pagresolba ng mga nasabing isyu na kinakaharap ng education sector.

Ibinida naman ng pangalawang pangulo ang matatag na agenda ng DepEd na may layong resolbahin ang mga iba’t ibang hamon sa basic education ng bansa.

Sa huli hinimok ni Vice President Duterte ang mga delegasyon ng SEAMEO Council Conference na yakapin ang bayanihan spirit tungo sa maunlad na education sector sa Southeast Asia.

Samantala, opisyal namang ihahalal na bagong presidente ng SEAMEO Council si Vice President Duterte sa plenary session bukas.

Magsisimula ang termino ng pangalawang pangulo mula 2023 hanggang 2025.

Sa ilalim ng kaniyang termino, pangungunahan ng Pilipinas ang isang regional cooperation sa pagitan ng member countries ng SEAMEO Council.

Inaasahang magbibigay-daan ito sa Southeast Asian countries na lumikha ng mga programa at mga inisyatiba na magpapabago sa edukasyon sa rehiyon tungo sa isang mas matatag na sektor.

Follow SMNI NEWS in Twitter