NGAYONG Valentines, nasa 57 percent ng adult Filipinos ang mas pinahahalagahan ang kalusugan kaysa sa pag-ibig at pera batay sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa SWS, mas mababa ito ng 13% kumpara sa 70% na naitala noong December 2019 o bago ang COVID-19 pandemic.
Nasa 31% naman ang pinili ang pag-ibig, mas mataas ng 8 points mula sa 23% habang 11% ang mas pinili ang pera, mas mataas ng 4 points mula sa 7%.
Batay din sa SWS survey, 84% ng respondents ang mas naaakit sa utak ng isang tao kaysa sa katawan habang 15% ang nagsabi ng kabaliktaran.
Samantala, nakita rin sa survey na 53% ng mga Pilipino ang nakapakasaya sa kanilang buhay-pag-ibig, 28% ang nagsabing sana mas masaya pa at 18% ang nagsabing wala silang love life.
Isinagawa ang fourth quarter 2021 Social Weather Survey mula Disyembre 12 hanggang 16, 2021 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 adults sa buong bansa.