ARESTADO sa panibagong entrapment operation ng National Bureau of Investigation’s Anti-Human Trafficking Division ang isang midwife kasunod ng pagbebenta niya ng sanggol na anim na araw pa lang matapos maipanganak.
Kuha ang mga litratong ito sa isinagawang joint entrapment operation ng ilang ahensya ng gobyerno sa Muntinlupa, Hulyo 16.
Ang puntirya ng mga awtoridad ay ang 51 taong gulang na ginang na isang midwife na si alias “Angel”.
Ito ay matapos mahuling nagbebenta na sanggol na anim na araw pa lang matapos maipanganak.
Ayon sa National Authority for Child Care (NACC), ibinenta ang sanggol sa facebook group sa halagang P25,000.
Dahil na rin sa pinagsanib-puwersa ng mga ahensya ng gobyerno ay nasagip ang sanggol na nasa pangangalaga ngayon ng DSWD.
Habang sinampahan naman ng kaso ang nasabing ginang dahil sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination at Anti-Trafficking in Persons (TIP) Act.
Hinihikayat naman ng NACC ang publiko na maging mapagbantay at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga awtoridad.
‘’We commend the NBI and all involved agencies for their swift and decisive action. The NACC remains committed to protecting the welfare of children and ensuring that those who exploit them are brought to justice,’’ Usec. Janella Estrada Executive Director, NACC said.