DUMATING na sa Pilipinas ang anim na Pilipinong biktima ng human trafficking sa bansang Laos.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), nakalayas ang mga ito sa kanilang mga employer dahil sa ipinapagawang iligal na trabaho.
Sa pahayag ni Immigration Commissioner Normal Tansingco, bahagi ito ng serye ng mga human trafficking na ilang buwan nang naiuulat sa mga bansa sa Southeast Asia.
Dagdag pa ng ahensiya, ang naturang mga Pilipino ay pinangakuang magtrabaho sa Thailand pero dinala ang mga ito sa Laos kung saan pilit na pinagtatrabaho para sa mga sindikato.
Ang mga ito ay nagsisilbi bilang love scammers na ang target ay mga Asyano rin kung saan niloloko nila ang mga posibleng kliyente para mapaibig nila at hihimukin na mag-invest sa kanilang pekeng kompanya.
Ani Tansingco, bago pa nakontak ng mga biktima sa pamamagitan ng online communication ang embahada ng Pilipinas ay 3 beses pang ibinenta ang mga ito sa iba’t ibang kompanya.
Nanawagan naman si Tansingco sa publiko na maging maingat laban sa mga transnational crime na ito na nakaaalarma na aniya sa panahon ngayon.