7-K tourist police, ipapakalat ng PNP sa Holy Week

7-K tourist police, ipapakalat ng PNP sa Holy Week

PINAGHAHANDAAN na ng Philippine National Police (PNP)ang iba’t ibang aktibidad ng mga Pilipino ngayong paparating na Holy Week.

Bukod sa seguridad para sa mga magsisiuwian ngayong paparating na bakasyon, inalerto rin ng PNP ang kanilang mga tauhan para magbantay sa lugar-pasyalan o tourist destinations sa buong bansa.

Sa katunayan, nasa 7 libong tourist police ang ipakakalat ng PNP para tiyakin ang seguridad ng mga banyaga at lokal na turista sa iba’t ibang panig ng bansa.

“’Yung ating more or less 7,000 trained tourist police ay idedeploy din natin sa mga major tourist destinations natin para siguraduhin na magiging secure, safe at enjoyable ‘yung stay ng ating mga turista both foreign and local,” saad ni PCol. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Nasa 34k din na police personnel ang kanilang idi-deploy lalo na sa mga matataong lugar gaya ng malls, transport hubs, at mga simbahan.

Sa ilalim ng kanilang Oplan Ligtas SumVac 2024, hinihikayat nila ang publiko na makipagtulungan sa pulisya para maiwasan ang paglaganap ng kriminalidad sa bansa.

Para mas higit na mabantayan ang kilos ng lahat, hinimok din ng PNP ang lahat ng lokal na pamahalaan para paghandaan ang paparating na summer.

Sa katunayan aniya, nasa final stage na sila ng preparasyon ukol dito katuwang ang lahat ng provincial at regional units nito.

“We are now in the final stage of our preparations for the Oplan Summer Vacation natin. In a few days will craft actually our Oplan SumVac. It’s just a matter of harmonizing. Hinihintay na lamang natin ‘yung mga recommended security deployment ng ating mga regional offices at yearly naman natin itong pinaghahandaan kaya naman initially meron pong mga around 34,000 na PNP personnel who will be deployed for the Oplan SumVac,” dagdag ni Fajardo.

Sa ngayon, wala pang opisyal na alerto ang PNP sa mga tauhan nito. Pero pinapayuhan ang lahat ng LGU o local police na agad magtaas ng security alert level kung sa tingin nila ay mataas ang banta ng seguridad sa isang lugar.

“Sa ngayon ay wala pa namang direktiba kung magtataas o kailangan magtaas ng alert level sa kabuuan ng PNP. However, as a normal practice ang mga regional directors natin have the authority to adjust the level of alert level sa kani-kanilang lugar. Kung sa tingin nila kung kakailanganin ang alert level sa kanilang lugar then they have the authority to do so but on the whole PNP as of today ay wala pa pong official documentation or announcement na magtataas tayo ng alert status,” ayon pa kay Fajardo.

Publiko, pinayuhang huwag magpost ng outing plans para iwas-krimen—PNP PIO

Samantala, nakikiusap naman ang PNP sa lahat ng eskuwelahan na iwasang magpost sa social media kaugnay sa mga schedule ng outing o bakasyon ngayong summer.

Hinikayat din na iwasan ibalandra ang boarding pass sa Facebook o online para maiwasan o mapigilang masundan ng mga kriminal o masasamang loob o samantalahing wala ang mga tao sa kanilang tahanan.

“The public should not post any pictures of their outing because it will only give criminals more reason to drop by their home and conduct their illegal activity. Avoid posting the photo of one’s boarding pass on social media if going out of town or out of the country,” aniya.

Sa huli, bagamat nakahanda naman anila ang puwersa ng pulisya sa anumang oras at panahon, wala pa rin anilang mas higit na mahalaga kung makikinig at susunod sa mga polisiya at batas para maiwasan ang aksidente o mapahamak sa mga gagawin ngayong bakasyon.

Follow SMNI NEWS on Twitter