SABAYANG ginawa ngayong araw ang RACE activity ng Social Security System (SSS) nationwide sa National Capital Region, ika-36 sa Las Piñas City at ito rin ang kauna-unahang aktibidad sa lungsod.
Pitong establisimyento ang binisita ng RACE Team na binigyan ng billing notices upang ipaalala sa kanila ang mga obligasyon nila.
Ang mga delinquent employers sa Las Piñas na binisita ng RACE team ay kinabibilangan ng logistics companies, school, construction company na may kabuuang delinquencies na mahigit P13.6 milyon.
“Kaya po namin ito ginagawa para po ma-update ‘yung mga delinquencies ng mga employers natin na nahinto po noong panahon ng pandemya so nag-o-offer kami ng iba’t ibang programa para mabayaran nila ‘yung delinquencies sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Cristine Grace Francisco, concurrent acting head-NCR South Division Branch Head III.
Ayon kay acting Senior Vice President NCR operations Maria Rita Aguja na ito na ang ika-36 RACE activity na isinagawa ng SSS sa buong NCR at kulang na lang ng apat para matupad ang 40 RACE sa buong taon.
Sa buong Pilipinas ika-159 activity na ito ngayong taon.
Paalala rin ni Aguja kung may sapat na kontribusyon ang mga employer, ang mga empleyado ay makakakuha ng 7 benepisyo sa mga programa ng SSS.
“Yan po ay kailangan na tuparin natin na magbigay tayo ng nararapat na kontribusyon para po makapag-avail sila ng pitong benepisyo sa SSS. Again we have sickness, we have maternity, disability, retirement, death, funeral. Binibigay po na benepisyo ng ating institusyon, ng ating SSS,” pahayag ni Aguja.
Pero tumatanggap naman ng konsiderasyon ang naturang ahensya sa mga employer na hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin magbayad dulot ng pandemya.
“Actually, ‘yung talagang tinamaan ng pandemic, hindi sila nakabayad dahil talagang ‘yung negosyo nila ay nalugi, nagsara. Meron kaming programa na ipakita lang nila ‘yung mga business losses nila, ipakita nila ‘yung mga ITRs nila. Pag napakita nila ‘yan at prinesenta sa aming branch meron pa kaming pangkasalukuyang na parang programa parang condonation na rin ‘yun pero pwede po naming ‘yung penalty babaan ng ano parang we have condoning it,” pahayag ni Judge Voltaire Agas, Executive Vice President-Branch Operations Sector.
May babala rin ang SSS sa mga kompanyang may kakayahan naman na magbayad at ayaw magbayad matapos na unti-unti nang nakababawi ang ekonomiya ng bansa mula sa pandemya.
“Because of the non-payment of your contribution is a criminal violation under the Social Security Act…so sinumang nakikitang lumalabag sa SSS lalo na sa paghuhulog ay pwede pong mabilanggo ng anim na taon at isang araw hanggang labing dalawang taon,” dagdag ni Agas.
Mayroon pang 2,000 delinquent employers sa Las Piñas ang minomonitor ng SSS.