ISANG mass condemnation ang isinagawa ng 750 na mga magsasaka laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa Silay City, Negros Occidental.
Nalaman ng mga nasabing magsasaka na niloko lang pala sila ng isang legal front ng CPP-NPA-NDF.
Mga pangako na walang katuparan, ito ang nag-udyok sa mga magsasaka sa Silay City, Negros Occidental para tuluyan nang putulin ang namamagitan sa mga magsasaka at ng National Federation of Sugarcane Workers (NFSW) na isa palang legal front ng (CPP-NPA).
Ayon sa Philippine Army, mula sa limang asosasyon ang 750 magsasaka ng Barangay E. Lopez ang nagdeklara ng kanilang pagtiwalag mula sa NFSW at kondenahin ang pang-aabuso na gawa ng komunistang teroristang grupo.
Sa isang pahayag ni Brig. Gen. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade, umaasa ito na marami pang grupo ang gagaya sa mga magsasaka sa Silay.
“We call on all sectors to be wary of organizations linked with the communist terrorist group. Their deceptive nature and strategy will infiltrate and destroy our farmers,” panawagan ni Pasaporte.
Hinihikayat din ni Pasaporte ang mga Negrenses na huwag mag-atubiling tumawag sa Philippine Army, Philippine National Police (PNP), at local government units na magbibigay sa kanila ng tamang impormasyon patungkol sa mga programa ng gobyerno.
Pinuri naman ni Lt. Col. J-jay Javines, commanding officer ng 79th Infantry Battalion, ang mga magsasaka sa kanilang matatag na paninindigan sa pagkondena sa mga mapang-abusong gawain ng CPP-NPA at mga kaalyadong organisasyon nito.
“The pledge to withdraw their support is both an opportunity and a fresh start to free themselves from deceptions and manipulations,” ayon kay Javines.
Kabilang sa nagsagawa ng mass condemnation rite sa E. Lopez covered court ang mga pinuno at miyembro ng Hacienda Pula-Silay Agrarian Reform Cooperative; Purok Sunshine, Aidsisa Agriculture Workers Association; Purok Langka, Aidsisa Farmer and Farm Workers Association; Hacienda Caridad Farmers and Farm Workers Association; at ang Agricultural Farmers and Farm Worker Association noong Oktubre 30.
Ayon pa kay Jocelino Abayon, vice chair ng Aidsisa Farmers and Farm Workers Association, nangako ang NFSW na magbibigay ng lupa pero ito’y hindi nangyari.
Kasabay nito ay nanumpa ang mga magsasaka ng katapatan sa gobyerno ng Pilipinas sa harap ng punong barangay na si Memia Gallego, na nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad sa kanilang komunidad mula sa impluwensya ng CPP-NPA.
Kasabay nito ay ang pagtataas ng mga plakard na nagpapahayag ng kanilang mga sentimyento laban sa CPP-NPA at sinunog ang mga replikang watawat ng komunistang teroristang grupo.
Nakiisa rin ang mga magsasaka sa simbolikong paglagda ng mga resolusyon para sa paglikha ng Barangay Task Force to End Local Communist Armed Conflict.