ISINAILALIM na sa restrictive custody ang walong pulis na isinasangkot sa diumano’y robbery-extortion sa isang bahay ng Chinese national sa Las Piñas City noong Abril 2.
Ang mga sangkot ay mga operatiba ng Special Operations Unit (SOU) ng Eastern Police District (EPD).
Ayon sa operasyon ng mga pulis, may arrest warrant sila laban sa nasabing Chinese national dahil sa kasong illegal possession of firearms at nahuli naman daw nila ito.
Ngunit nabaligtad ang sitwasyon nang magreklamo ang kapatid ng Chinese national, sinasabing maling tao ang nahuli at hindi ang kaniyang kapatid.
Maliban dito, inakusahan din ng pagnanakaw ang mga pulis nang tangayin umano nila ang nasa P27M cash mula sa bahay ng Chinese national, pati na ang mga nawawalang foreign currencies, gold bar, at mga mamahaling relo.
Sa panayam kay EPD Director PBGen. Villamor Tuliao, kinumpirma nito ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng SOU, ngunit sinabi niyang may problema sa operasyon: hindi naka-uniporme ang mga pulis, walang body camera, at walang koordinasyon sa Las Piñas Police.
Posible namang maharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga pulis-suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bukod sa mga sangkot, kasama rin sa iniimbestigahan ang hepe ng yunit nito.