PINAGTIBAY ng iba’t ibang law enforcement agencies at mga ahensya ng gobyerno ang mandato ng 8th Infantry Division ng Philippine Army na magbigay ng seguridad sa darating na halalan.
Kamakailan, nagkaroon ng isang Ceremonial Solidarity Pact Signing para sa 2025 national and local elections sa Palo, Leyte. Doon, nagpahayag ng kanilang suporta ang mga awtoridad na naglalayong tumulong sa darating na eleksyon.
Kabilang sa mga dumalo ang commander ng 8ID; Director ng Police Provincial Region 8 at Director ng Commission on Elections (COMELEC) Regional Office VIII.
Dumalo rin at nagpahayag ng suporta ang Coast Guard District Eastern Visayas, pati na rin ang mga sumusunod na ahensya ng region VIII na ang Department of the Interior and Local Government, Department of Information and Communication Technology, at ang Department of Education.
Ayon kay MGen. Adonis Ariel Orio, commander ng 8th ID ng Philippine Army, ang kanilang paglagda sa solidarity pact ay hindi lang aniya basta-bastang pirma lang; ito ay pangako sa taumbayan na mananatili ang demokrasya sa kanilang lugar sa panahon ng halalan.
“As we come together to sign this Solidarity Pact, we are not just affixing signatures – we are affirming a solemn pledge to safeguard the very essence of democracy,” pahayag ni MGen. Adonis Ariel Orio, Commander, 8ID, Philippine Army
Aniya, ang naturang pagpupulong ay isa ding patunay na kahit iba-iba man ang kanilang papel na ginagampanan sa lipunan, sila’y nagkakaisa sa iisang layunin na masigurong naririnig ang boses ng mga Pilipino sa kanilang lugar, at na sila’y protektado at respetado.
“This gathering is a powerful reminder that regardless of our roles in society, we share one mission: to ensure that the voice of the people is heard, protected, and respected in the 2025 National and Local Elections,” dagdag paliwanag ni Orio.
Pinangako rin ng opisyal sa mga mamamayan sa Eastern Visayas na ang Philippine Army ay patuloy na maninindigan para sa kaayusan at kapayapaan, at dedepensahan din daw nila ang karapatan ng mga Pilipino na makapagpili ng kanilang napupusuang lider na walang takot.
“Let this moment inspire us all to lead with courage, integrity, and unity. Together, we will ensure an electoral process that honors the will of the people and strengthens the foundation of our nation,” dagdag paliwanag ng opisyal.
Samantala, sa kabuuan, ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ang Philippine Coast Guard ay magde-deploy ng aabot sa 10,000 personahe para magbantay sa buong Eastern Visayas sa darating na halalan.