HINDI PABOR si Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile na kaltasan ang suweldo ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel para sa kanilang pensiyon.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, sinabi ni Enrile na hindi na pensiyon mula sa gobyerno na matatawag ito kung manggagaling sa sahod mismo ng mga uniformed personnel.
Bukod pa dito, ipinunto rin ni Enrile na tulad na lamang ng mga sundalo, iba ang kanilang trabaho dahil ang kanilang buhay mismo ang nakataya.
Matatandaan na isinusulong ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang panukalang overhaul sa pension system ng military and uniformed personnel (MUP) para maiwasan ang fiscal collapse mula sa mataas na gastusin sa pensiyon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Enrile si Diokno na magdahan-dahan hinggil sa naturang panukala.
Matatandaan na sa panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay tinaasan pa ang pensiyon ng military and uniformed personnel.