PINANGUNAHAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ C. Abalos, Jr. at ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pamimigay ng tulong sa mga barangay at residente na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Isang water filter at purifying system ang dinala ng grupo bukod sa mga relief goods para sa mga apektadong lugar.
Matatandaan na lumubog ang barkong MT Princess Express sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023 na nagdulot ng patuloy na kumakalat na oil spill sa probinsiya at karatig lugar.
Nakipagpulong din sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Oriental Mindoro, munisipyo ng Pola si Abalos upang mas maging epektibo ang koordinasyon at mapabilis ang paghatid ng serbisyo-publiko sa lugar.
Hinarap din ng Kalihim at ng kaniyang mga kasama ang mga residenteng naapektuhan ng oil spill sa bayan ng Pola upang direktang mapakinggan mula sa kanila ang kanilang kagyat na mga pangangailangan.